Corregidor

Ang Corregidor (Ko·re·hi·dór) ay isang makasaysayang isla sa bukana ng Look Maynila, sa timog-kanlurang bahagi ng Luzon. Sakop ito ng Lungsod Cavite. May habà itong 6.5 km, lapad na 2.0 km, at lawak na mahigit- kumulang 900 ektarya. Nahahati ito sa apat na bahagi, ang Topside, Middleside, Bottomside, at Tailside. Gáling ang pangalan ng pulo sa salitang Español na corregir, na nangangahulugang “iwasto.” Binansagan din itong “fte Rock” (“Ang Bato”) dahil sa mabatong lupain at matitibay na portipikasyon.

Naging mahalaga ang isla sa kasaysayan dahil sa lokasyon nitó bilang bantay ng pangunahing look at daungan ng Filipinas at ng kabisera ng bansa. Naging bantog ang Corregidor sa buong mundo noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ito ang naging huling tanggulan ng mga Filipino at Americano sa Luzon laban sa mga Japanese at naging pansamantalang tahanan ng Pamahalaan ng Komonwelt ng Filipinas. Ang Labanan sa Corregidor (Mayo 1942) ang hulíng organisadong laban ng USAFFE bago ito sumuko sa mga Japanese.

Ngunit bago pa man ang WWII, naging mahalaga na ang Corregidor sa mga labanan para sa hinaharap ng Maynila at ng buong kapuluang Filipinas. Ginamit ito bilang pook pansuporta ng mga barkong Español para sa kampanya ni Miguel Lopez de Legazpi upang makuha ang lumang kaharian ng Maynila. Sa pamahalaang Español, nagsilbi itong moog, kulungan, at tasyon ng Adwana. Sa gitna ng Corregidor at Mariveles, Bataan, umangkla ang mgasasakyang pandigma ni Limahong, ang piratang Chino na sumalakay sa Maynila. Nakubkob din ang isla pansamantala ng mga Olandes at Briton. Naging saksi ang isla sa labanan ng mga Español at ng mga Americano noong 1898.

Sa kasalukuyan, matatagpuan sa mga guho ng Corregidor ang ilang memoryal at pananda sa kabayanihan ng mga mandirigmang Filipino at Americano noong WWII. Kabilang sa mga ito ang Malinta Tunnel, ang hulíng tang-gulan ng USAFFE sa isla, na ngayon ay nagtatampok ng isang obra ng direktor at Pambansang Alagad ng Sining na si Lamberto V. Avellana. (PKJ)

Cite this article as: Corregidor. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/corregidor/