Coron

Tourist destination, Palawan, diving

Ang Coron (Ko·rón) ay isang popular na pook bakasyunan sa hilagang Palawan. Sinasakop nitó ang silangang bahagi ng isla ng Busuanga, ang kabuuan ng karatig na isla ng Coron, at 50 maliliit na pulo. Bahagi ang mga islang ito ng Kapuluang Calamian, ang bahagi ng Palawan na pinakamalapit sa Mindoro. Binubuo ang bayan ng 23 barangay.

Tanyag ang Coron bilang isang pook sisiran (dive spot), at dinadayo ng mga scuba diver at snorkeler mula sa iba’t ibang bahagi ng daigdig. Pinangalanan ito ng Forbes Traveler Magazine bilang isa sa sampung pinakamagan-dang scuba diving site sa buong mundo. May masisisid na isang dosenang lumubog na sasakyang pandigma ng mga Japanese sa dagat ng Coron at mga karatig na bayan. Malinis at malinaw ang tubig; sa katunayan, matatagpuan dito ang sinasabing pinakamalinis na lawa sa Filipinas at maaaring sa buong Asia, ang Lawa ng Kayangan. Bukod sa tubig, dinadayo din ang maga-gandang beach at yungib ng Coron. Maaari ding galugarin ang gubat ng bakawan, magtrek sa kagubatan, sumakay ng kabayo, at magkamping. (PKJ)

Cite this article as: Coron. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/coron/