Manuel Conde

(9 Oktubre 1915–11 Agosto 1985)

National Artist for Film

Manuel Pabustan Urbano ang buong pangalan, si Manuel Conde (Man·wél Kón·de) ay isang aktor, manunulat ng iskrip, direktor, at prodyuser ng pelikula. Iniangat niya ang kalidad ng pelikulang Filipino sa pandaig-digang nibel. Tampok na mga katha ni Conde ang Genghis Khan at seryeng Juan Tamad. Hinirang siyáng maging Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula noong 2009.

Ang Genghis Khan ang kauna-unahang pelikulang Filipino na ipinamahagi sa buong mundo ng United Artists. Lahok din ito ng Filipinas sa 1952 Venice Film Festival at doon ay umani ng atensiyon at papuri ng mga kritiko.

Testimonya sa pagiging auteur ni Conde ang kaniyang seryeng Juan Tamad na epektibong satira sa lipunan at politikang Filipino. Si Conde ang direktor, sumulat at gumanap na rin bilang Juan Tamad. Sa mga pelikulang Maginoong Takas (1940) at Villa Hermosa (1941), sa ilalim ng LVN Studio, una niyang inihasa bílang direktor ang talim at lalim ng kaniyang komedya na malayò at taliwas sa nakagawiang slapstick.

Nagsimula siyáng magdirihe sa pelikulang Sawing Gantingpala (1940) para sa LVN Picture, nang pumalya si direktor Carlos Vander Tolosa na tapusin ang pelikula. Tagapanguna rin si Conde sa mga pelikulang aksiyon, gaya ng Prinsipe Paris (1949) na iprinodyus na niya mismo sa pamamagitan ng kaniyang itinayông Manuel Conde Productions. Nananatili sa kolektibong memorya ng manonood na Filipino ang mga isinapelikula niyang mga awit at korido: Ibong Adarna (1941), Prinsipe Teñoso (1942), at Siete Infantes de Lara (1950). Ang mga nakaaaliw na Pilipino Kostum, No Touch (1955); Ikaw Kasi (1955); Handang Matodas (1956); at Bahala Na (1956).

Ipinanganak siyá noong 9 Oktubre 1915 sa Daet, Camarines Sur kina Dionisio Urbano at Lucia Pabustan. Napangasawa niya si Julita Salayan at nagkaroon silá ng pitóng anak. Nag-aral siyá sa Adamson University ng kursong heolohiya at nagtrabaho sa kompanya sa pagmimina. Marahil isang laro ng tadhana o sadyang angkop lámang na isang minerong naging direktor ang maglinang ng mga ituturing na diyamante sa pinilakang-tabing. (RVR)

Cite this article as: Conde, Manuel. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/conde-manuel/