Francisco V. Coching

(29 Enero 1919–1 Setyembre 1998)

Manunulat at ilustrador ng komiks si Francisco V. Coching (Fran·sís· ko Vi Ko·tsing) at tinaguriang “Dekano ng mga Ilustrador ng Komiks” sa Filipinas. Noong 2014, pinarangalan siya bílang Pambansang Alagad ng Sining para sa Sining Biswal. Kinikilala rito ang malaking impluwensiya ni Coching sa mga sumunod na henerasyon ng komikero, gayundin ang ambag ng  mga  likha  niya  sa “paggamit  at pagmamalay sa wika ng bayan.”

Isinilang si Coching sa Lungsod Pasay noong 29 Enero 1919, at malaki ang naging impluwensiya sa kaniyang pagkahumaling sa sining ng ama niyang nobelista sa Tagalog, si Gregorio Coching. Kauna- unahang akda ni Coching ang komik istrip na Bing Bigo-tilyo na nalathala sa Silahis Magazine noong 15 taón pa lámang siya. Noong 1935, nilikha naman niya ang kauna- unahan niyang nobelang komiks, ang Marabini, para sa Bahaghari Magazine. Natigil ang pagseserye nitó nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matapos ang digmaan, nalathala sa Liwayway ang seryeng Hagibis na tumagal nang 15 taón sa magasin. Matapos iyon, nagsunod-sunod ang pagkatha ni Coching ng mga hindi malilimutang tauhang gaya nina Dumagit, El Indio, Talipandas, Palasig, at Bella Bandida. Ginamit din ni Coching bílang tauhan sa kaniyang mga katha ang mga historikong indibidwal, tulad nina Lapu-Lapu at Antonio Luna.

Naisalin sa pelikula ang halos lahat ng akda ni Coching, kayâ lalo pang naitanim sa kamalayan ng ilang henerasyon ng mga Filipino ang kaniyang mga likha. Tumigil sa pag- katha si Coching noong 1974 matapos makapagsulat ng 53 nobelang komiks na nagwakas sa El Negro.

Namatay siya noong Setyembre 1998. Noong 2001, nagsagawa ng eksibit ang Sentrong Pangkultura ng Filipinas (CCP) para itampok ang mga likha ni Coching sa Katha at Guhit: Francisco V. Coching. Noong 2008, pinarangalan naman siya ng Gawad CCP para sa Sining.

Cite this article as: Coching, Francisco V.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/coching-francisco-v/