Cesar C. Climaco
(28 Pebrero 1916 – 14 Nobyembre 1984)
Si Cesar Cortez Climaco (Sí·sar Kor·téz Kli·ma·kó) ay isang politikong Filipino ng naglingkod bilang alkalde ng Lungsod Zamboanga sa loob ng isang dekada. Kilalang kritiko ng ipinatupad na Batas Militar, napabantog sya hindi lamang sa kaniyang pamamahala kundi maging sa makulay niyang personalidad, lalo na ang kaniyang pagtangging gupitan ang kaniyang buhok hangga’t hindi ibinabalik ang demokratikong pamamahala sa Filipinas.
Isinilang sya sa Lundsod ng Zamboanga noong 28 Pebrero 1916 kina Gregorio Climaco at Isabelita Cortez. Nag-aral sya ng elementarya at sekundarya sa Normal School, na ngayon ay Western Mindanao State University at ng kolehiyo at abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas. Bilang batang abogado, nagsimula ang kaniyang karanasan sa serbisyo publiko nang matalaga siyang tagausig sa bayan ng Jolo, nang maging executive assistant sa alkalde ng Davao at executive secretary sa alkalde ng Zamboanga.
Nagsimula ang kanyang karera sa politika nang tumakbo at manalo sya sa Sangguniang Panlungsod noong 1953. Sa natuarng taon din siyang naitalagang alkalde ng Zamboanga. Nagsilbi siyang Chief Project Manager and Field Coordinator ng Operation Brotherhood (1954-1955) sa Vietnam na kalaunan ay nagbigay sa kanya ng pagkilalang internasyonal. Nagbalik sya sa Zamboanga noong 1956 at tumakbo sa ilalim ng Partido Liberal sa ginanap na unag eleksiyon para sa posisyon ng alkalde ng lungsod. Nagwagi sya sa naturang eleksiyon laban sa noo’y nakatalagang alkalde na si Hector C. Suarez. Dahil ditto, itinuring siyang unang halal na alkalde ng Lungsod ng Zamboanga (1956-1959; 1959-1961). Bilang alkalde, nagpunyagi siya sa mga proyekto mula sa kalinisan ng lungsod hanggang sa personal na pagharap at pagdidisiplina sa pulisya at pagpapatigil ng mga pasugalan.
Tumakbo siya bilang Senador sa ilalim ng Partido Liberal noong 1961, 1963, at 1965 subalit natalo. Sa panahong iyon, itinalaga siyang komisyoner sa customs at presidential assistant ng dating Pangulo Diosdado Macapagal. Nang ideklara ang Batas Militar noong 1972, nagtungo siya sa Estados Unidos at nagpahayag na hindi niya gugupitan ang kaniyang buhok hangga’t hindi nanunumbalik ang demokrasya sa bansa. Nagbalik sya sa Filipinas noong 1976 at tumakbo sa Interim Batasang Pambansa noong 1978 subalit natalo.
Muli siyang nagwaging alkalde ng Lungsod Zamboanga noong 1980, sa ilalim ng kaniyang nilakhang partido a Concerned Citizen’s Aggrupation. Sa panahong iyon, naging kritikal siya sa malaganap na krimen at karahasan ng pulisya at military sa lungsod at sa rehimeng Marcos sa pangkalahatan. Sa kanyang pangunguna, lumaganap ang isang sentimyentong kontra-Marcos sa lungsod. Noong 1984, nagwagi siya bilang miyembro ng parlamento sa Batasang Pambansa subalit tumangging umupo sa kaniyang posisyon hangga’t hindi niya natatapos ang kaniyang termino bilang alkalde, isang pasiyang hayagang tumuligsa sa rehimeng Marcos.
Noong 14 Nobyembre 1984, personal siyang nagtungo upang pangasiwaan ang pag-apula sa sunog sa downtown ng lungsod. Nang nakasakay na sa kaniyang motorsiklo upang bumalik sa kaniyang opisina, binaril siya ng isang asesino sa batok at idineklarang dead on arrival sa ospital. Tinatayang labinlimang libo hanggang dalawang daang libo ang dumalo sa kaniyang libing sa Lungsod Zamboanga. Inilagak ang kaniyang labi sa Liwasang Abong-abong. (KLL)