Chocolate Hills

Geology, hill, Bohol, folklore, mythology, Philippine Mythology, folklore

Ang Chocolate Hills (Tsó·ko·léyt Hils) ay isang pambi-hira at kamangha-manghang likás na pormasyong heolo-hiko at matatagpuan sa lalawigan ng Bohol. Binubuo ito ng may 1,268 hanggang 1776 hugis apang gulod na may magkakahawig na anyo at simetrikong agwat sa pagitan ng bawat isa na waring sinadya. Nasa 30 hanggang 120 metro ang taas ng bawat gulod nitó. Ang mga burol ay nababalutan ng damong kulay berde tuwing tag-ulan at nagiging kulay tsokolate naman kapag panahon ng tag-tuyot. Ang anyo ng mga gulod tuwing tag-init ay iniha-halintulad sa tanyag na tsokolateng “Chocolate Kiss” na pinaghalawan ng pangalan nito. Ang Chocolate Hills ay nasasakop ng tatlong bayan sa Bohol: ang Batuan, Car-men at Sagbayan. Sinasakop nito ang may 50 kilometro kuwadradong lawak ng lupain.

May ilang paliwanag tungkol sa pagkabuo ng mga gulod na ito. May nagsasabi na resulta ito ng paggalaw ng bulkan na nasa ilalim ng lupa o sa mga pagsabog maraming taon na ang nakalilipas. Subalit ayon sa mga heologo, maaaring nagmula ito sa mga naipong deposito ng coral limestone na umangat mula sa dagat bunsod ng malawakang pag-babago ng kalupaan at nahubog ang mga burol mula sa libo-libong taóng erosyon ng lupa.

Bukod sa mga siyentipikong paliwanag na ito, ipinanga-nak din ang mga alamat na nagsasalaysay ng pagkabuo ng mga gulod. May nagsasabing ginawa ito ng mga nilalang na galing sa ibang planeta. Ayon naman sa kuwento ng matatanda sa lugar, ang mga burol ay nabuo mula sa mga luha ni Arogo, isang higanteng binata na umibig sa isang mortal na babaeng si Aloya. Nang mamatay si Aloya, lubos na namighati ang higante at umiyak nang umiyak. Ang mga pumatak nitóng luha sa lupa ang siyang naging dahilan ng pagtubo ng maliliit na gulod.

Ang Chocolate Hills ay idineklara ng National Commit-tee on Geological Sciences bilang Ikatlong Pambansang Monumentong Heolohiko noong 18 Hunyo 1988, bilang pagkilala sa pambihirang katangian nito, kahalagahan sa siyentipikong pananaliksik, at potensiyal sa larangan ng turismo. At dahil dito, ang Chocolate Hills ay nabibilang na rin sa mga protektadong lugar sa Filipinas. (AMP)

Cite this article as: Chocolate Hills. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/chocolate-hills/