Chinatown

Ang Chinatown (Tsáy·na·tawn) ay tawag sa mga pamayanang Chino sa maraming lugar, gaya sa Maynila. Nakasentro ito sa mga distrito ng Binondo at San Nicolas. Hinango ang pangalang Binondo sa salitâng Tagalog na “binundok,” na tumutukoy sa dáting maburól na kalupaan ng lugar. Noong panahon ng Español, isla ang Binondo sa gawing hilaga ng Ilog Pasig. Dati namang nakatira ang mga Chino sa Parian (ngayo’y Mehan Garden); pero sa pagdami nila at ibang dahilang politikal, inilipat sila sa Binondo noong 1594, sa kautusan ni Gobernador Luis Perez Dasmarinas bilang permanenteng pamayanan ng mga dayuhang Chino na nagpabinyag sa relihiyong Katoliko. Ang tawag ng mga Español sa mga Chino na ito ay “sangley.” Kinikilala rin ito bilang pinakamatandang Chinatown sa buong mundo.

Kalye Rosario ang pangunahing kalye noon sa Binondo. Tinutumbok nito ang Plaza Calderon de la Barca at ang matandang Simbahang Binondo na itinayo noong 1596. Nakahanay ngayon sa Rosario ang pinakamalalaking bangko sa Filipinas. Sa gawing kaliwa ng Plaza Calderon ang Kalye San Fernando. Dito itinayo ang Alcaiceria de Binondo, dating lugar ng adwana at mga tindahan ng pakyaw. Sa kasalukuyan, ang Alcaiceria ay museo at aklatan.

Nasa púsod ng Chinatown ang Kalye Ongpin. Nakahilera rito ang mga tindahan ng alahas, talyer ng platero, mga puwesto ng ipinagbibiling halamang-gamot, prutas, alagang hayop, panregalo, restoran ng pagkaing Chino, at iba pang panindang hindi makikita sa ibang lugar sa Maynila. Nasa tapat ng kalyeng Ongpin ang Simbahan ng Santa Cruz na itinayo noong 1608.

Dinarayo rin sa Chinatown ang Templo ng Sampung Libong Buddha at ang mga pistang Chino. Isang pagdiriwang ang Bagong Taon ng mga Chino, ginaganap sa pagitan ng 21 Enero at 19 Pebrero at tinatampukan ng mga sayaw-dragon, tula, at handaan. Isa pa ang Pista ng Buwang Agosto na tinatampukan din ng sayaw, nakau-galiang parada, at eksibisyon ng kung fu.

Noong dekada 80 nang magkaroon ng krisis pampinan- siya sa bansa, binansagan itong “Binondo Central Bank” dahil malakihang nagpapalit dito ng dolyar ang mga Chino na negosyante na siyang nakapagdidikta ng presyo ng piso sa dolyar. (AMP)

Cite this article as: Chinatown. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/chinatown/