Chichay

(21 Enero 1918–31 Mayo 1993)

Si Chichay (Tsí·tsay), o Amparo R. Custodio sa totoong búhay, ay isang Filipinang komedyante na sumikat dahil sa kaniyang maliit at pandak na tindig, nakalilibang na boses, at kulang na mga ngipin.

Si Chichay ay isinilang sa Tondo, Maynila noong 21 Enero 1918. Pinasok niya ang mundo ng show business noong siyá ay tinedyer pa lamang. Nagsimula siyá bilang mang-aawit ng “Sa- mahang Antonieta” kasáma ang kaniyang kapatid na si Iluminada. Naging parte din siyá ng mga bodabil na pagtatanghal bilang mananayaw. Nang siyá ay naging regular sa bodabil, dito niya nakuha ang kaniyang stage name na Chichay mula kay Atang de la Rama. Ito ay hinango sa salitang Japanese na “Chiisai” na nanganga- hulugang maliit.

Noong 1949, ipanakilála si Chichay bilang contract star ng Sampaguita Pictures at lumabas sa kaniyang unang pelikula dito na Huwag Ka Nang Magtampo. Matapos ito, ilan pang pelikula ang kaniyang ginampanan ngunit mas nakilála siyá nang maging bida siyá katambal si Tolindoy sa pelikulang Gorio at Tekla. Tumabò sa takilya ang nasabing pelikula na naging dahilan upang maging popular ang tambalang Chichay at Tolindoy sa mga pelikula. Hindi rin makakalimutan ang pagganap ni Chichay bilang mapagprotektang lola sa pelikulang Bondying noong 1954. Matapos ang mahigit tatlong dekada, kinuha siyá ng Viva Films upang gampanan ang dáting papel sa muling pagsasapelikula ng Bondying.

Aktibo pa rin si Chichay sa pagganap sa mga pelikula bago siyá pumanaw noong 31 Mayo 1993. Isa sa mga huling papel na ginampanan niya ay ang papel ni Lola Basyang sa pelikulang Mga Kuwento ni Lola Basyang ng Regal Films noong 1986. (MJ)

 

Cite this article as: Chichay. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/chichay/