Chabacano
Ang Chabacano (Tsa·ba·ká·no) ay isang wika sa Zamboanga at ilang bahagi ng Filipinas na may malakas na halòng Español. Sa buong Asia, ito ang nag-iisang wikang creole—isang wikang natural na nabuo sa paghahalò ng mga magulang na wika—na nakabatay sa Español. Ito rin ang isa sa pinakamatandang wikang creole sa buong mundo; nananatili itong buháy at malakas pagkatapos ng mahigit apat na dantaon. Ito rin ang nag-iisang wika na nabuo sa Filipinas na hindi kabilang sa pamilya ng mga wikang Austronesiano.
Nanggáling ang pangalan ng wika sa salitang Español na “chabacano,” na nangangahulugang “mababàng kalidad,” “mababàng uri,” o “payak.” Sa panahon ng Español, itinu-turing itong “lenguaje del calle” (wika ng lansangan) o “lenguaje de cocina” (wika ng kusina) ng mga mamama-yang nagsasalita ng Español (peninsulares, insulares, mes-tizos, at ilustrados) bilang pagbubukod nitó sa itinuturing na totoong Español niláng wika.
Mayroong anim na diyalekto ng Chavacano:
(1) Zamboangueño (o Chabacano de Zamboanga) sa Lungsod Zamboanga at mga karatig na lugar sa kanlurang Mindanao— pinakakilaláng uri ito ng Chabacano sa kulturang Filipi-no; (2) Caviteño (o Chabacano di Nisos at Chabacano de Cavite) sa Lungsod Cavite; (3) Cotabateño (o Chabacano de Cotabato) sa Lungsod Cotabato; (4) Davaoeño (o Cas-tellano Abakay at Chabacano de Davao) sa lungsod at re-hiyong Davao; (5) Ternateño (o Chabacano de Ternate at Bahra) sa bayan ng Ternate, lalawigan ng Cavite; at (6) Ermiteño (o Chabacano de Ermita) sa distrito ng Ermita sa Maynila, na wala nang nagsasalita.
Ang mga wikang Chavacano ay pinaghalòng Español (mula sa España at mula sa Mexico, na may impluwen-siya ng Nahuatl, ang katutubong wika ng mga Aztec) at sari-saring katutubong wika sa Filipinas, tulad ng Tagalog, Hiligaynon, Sebwano, Ilokano, Subanon, at Tausug. Mas ginagamit ito bilang wikang sinasalita kaysa wikang isi-nusulat, kung kaya’t hindi ganoon karami ang panitikang nakasulat sa Chavacano kung ihahambing sa iba pang pangunahing katutubong wika ng bansa. (PKJ)