Levi Celerio
(30 Abril 1910–2 Abril 2002)
Isang pambihirang manunulat ng lirika ng mga awit, tula, at palindromo si Levi Celerio (Lé·vi Se·lér·yo) kayâ tinaguriang “makata ng musikang Filipino.” Ang kaniyang mahigit sa 4,000 obra na pumapaksa sa halos lahat ng aspekto ng buhay ng Filipino ay patunay sa kaniyang sining at kahusayan bilang isang premyadong lyricist. Iginawad sa kaniya ang Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan at Musika noong 1997.
Ang mga obra ni Celerio ay tumalakay sa masaklaw na mga paksa ng pag- ibig, kalikasan, at karaniwang bagay. Marami ring awit para sa pelikula ang kaniyang nilikha na umani ng papuri mula sa mga kritiko: “Sapagkat Kami’y Tao Lamang” (T. Maiquez); “Diligin mo ng Hamog ang Uhaw ng Lupa” (E. Cuenco); “Kahit Konting Pagtingin” (Gomez-Hammond); at “Kapag Puso’y Sinu gatan” (T. Maiquez).
Ang isa sa pinakapopular na likha ni Celerio at bahagi na ng tradisyong Filipino ay ang “Ang Pasko ay Sumapit” (ang musika ay sa isang di nakilalang Sebwanong kompositor). Bukod sa mga lirika para sa orihinal na komposisyon, may mga isinalin at naisulat rin si Celerio na para sa maraming katutubong himig. May nailathala ring dalawang libro si Celerio, ang Filipino Palindromes, kalipunan ng mga salita o parirala na pabalik mang basahin ang mga titik ay nanatili ang ispeling, at Take it from Levi, koleksiyon ng kaniyang mga tula.
Ipinanganak siyá noong 30 Abril 1910 sa Tondo, Maynila kina Cornelio Cruz at Juliana Celerio. Sa edad na 11, nag-aral siyá ng biyolin sa isang kagawad ng Philippine Constabulary Band at kalaunan ay naging miyembro siyá nitó. Napansin siya ni Alexander Lippay at inirekomendang iskolar sa Academy of Music sa Maynila. Subalit maagang naudlot ang pangarap ni- yang maging mahusay na violinist nang mapilay ang kamay dahil sa pagkahulog sa punongkahoy. Si Celerio ay nagkaroon ng 12 anak mula sa apat na naging karelasyon. Namatay si Celerio noong 2 Abril 2002 sa edad na 91.
Umani ng mga pagkilala at parangal ang prolipikong si Celerio: Humanities doctorate, honoris causa, Unibersidad ng Pilipinas (1991); Gawad Urian mula sa Manunuri ng Pelikulang Pilipino (1993); Film Academy of the Philippines Lifetime Achievement Award; Gawad CCP para sa Sining. Nakatala rin si Celerio sa Guiness Book of World Records para sa kaniyang natatanging kakayahan na lumikha ng musika mula sa dahon. (RVR)