Jose Luna Castro

(4 Marso 1914–18 Hunyo 1986)

Kinikilálang “peryodista ng mga peryodista,” at mahusay na editor, si Jose Luna Castro (Ho·sé Lú·na Kás·tro) ay isinilang noong 4 Marso 1914 sa Maynila ngunit lumaki sa Lubao, Pampanga kina Faustino Rivera Castro at Claudia de Luna. Pagkatapos sa Pampanga High School noong 1932, pumasok siyá sa Union fteological College sa Maynila at naging ebanghelista na may AB digri. Sa Philippines Herald siyá unang nagdiyaryo at nadestinong war korespondent sa Tsina. Noong 1939 at hábang staff member ng Weekly Graphic, isang artikulo niya ang muling inilathala ni Mencken sa The American Language, supplement II.

Pagkatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sumáma siyá sa The Manila Times at naging editor nitó noong 1959. Pagtagal, nahirang siyáng executive editor ng buong Manila Times Publishing Company. Naglingkod siyá hanggang 1972 at ipasara ito dahil sa Batas Militar. Nalipat siyá sa Times Journal at naging punòng editor nitó. Noong 1976, nagsimula siyáng press konsultant sa embahada ng Filipinas sa Tsina, at pagkaraan, noong 1982 sa Washington D.C. Kasal siyá kay Rosalina Icban at nagkaroon silá ng apat na anak.

Iginagálang ang husay ni Jose sa pagsulat at pagiging editor sa Ingles. Ang kaniyang pagsisikap na sumulat nang malinis at epektibo ay ibinuhos niya sa pagbuo ng stylebook ng Manila Times noong 1960 at ng manwal sa peryodismo ng Times Journal noong 1973. Ang mga naturang gabay  ay  una sa  Filipinas at naging  sanggunian ng mga  peryodista’ t editor.  Isa rin siyá sa mga tagapagtatag at naging pangulo ng Asian Institute of Journalism. Namatay siyá noong 18 Hunyo 1986. (GVS)

Cite this article as: Castro, Jose Luna. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/castro-jose-luna/