Casa Gorordo
Báhay-na-bató ang Casa Gorordo (Ká·sa Go·rór·do) na itinayô noong kalagitnaan ng siglo 19 at matatagpuan sa Kalye Lopez Jaena, Barangay Parian sa Lungsod Cebu. Sa kasalukuyan, nagsisilbi itong museo at isa sa mga tampok na lugar panturista ng lungsod. Tulad ng ibang bahay-na-bato na itinayô noong panahon ng Español, gawa ang Casa Gorordo sa mga tipak ng batong korales, sahig na mulawin, bubong na yari sa tisang terra cotta, at mga bintanang yari sa kapis. Makikita sa museo ang mga antigong muwebles, kasangkapan sa pagluluto, pananamit, pintura, at aklat.
Ipinagawa ni Alejandro Reynes y Rosales ang bahay sa makasaysayang distrito ng Parian, tirahan ng mga tanyag at maykayang angkan ng Cebu. Binili ito ni Juan Isidro de Gorordo, mangangalakal na Español noong 1863. Mula 1863 hanggang 1979, apat na henerasyon ng pamilya Gorordo ang nanirahan sa bahay. Kabilang sa kanila si Juan Bautista Perfecto Gorordo (mas kilala bilang Juan Gorordo) na siyáng nagsilbing unang obispong Filipino ng Cebu mula 1910 hanggang 1932. Binili ang bahay ng Ramon Aboitiz Foundation, Inc. noong 1980 at sumailalim sa restorasyon bago buksan sa publiko bilang museo. Noong 1991, itinanghal ang Casa Gorordo bilang Pambansang Palatandaang Makasaysayan (National Historical Landmark). (PKJ)