Carriedo
Kilalá lámang ang Carriedo (Kar·yé·do) sa kasalukuyan bílang isa sa mga estasyon ng Light Rail Transit o LRT-1. Ngunit bago pa man takpan ng mataas na daanan ng nasabing tren ang Carriedo, ito ay dáting maningning na lugar sa distrito ng Sta. Cruz, Maynila na paboritong pasyalan ng mga tao. Dito, ang maykaya at karaniwang tao ay nagkakasalamuha sa isa’t isa upang mamilií o kahit mamasyal lámang. Ang Carriedo ay bahagi ng dating sentro ng kalakalan sa Maynila. Sa paligid nitó, matatagpuan ang simbahan ng Quiapo na kilalá sa selebrasyon ng pista ng Itim na Nazareno, ang Escolta na dating sentro ng negosyo, at ang Ongpin na para sa mga kalakal ng mga negosyanteng Chino. Bago pa man nagsulputan ang naglal- akihang malls, ang Carriedo ay nauna nang tahanan ng mga department stores na tulad ng ShoeMart, Plaza Fair, Fair Mart, at Isetann.
Ang Carriedo ay ipinangalan kay Don Francisco Carriedo y Peredo, isang Español mula Santander na nanirahan sa Filipinas noong ika-18 siglo at naging bantog sa kaniyang kawanggawa o obras pias. Sa kaniyang hulíng habilin at testamento, iniwan niya ang malaking halaga para sa pag-tatayô ng sistema ng gawaing-pantubig sa Maynila. Ang inisyatibang ito ay kilalá bilang “Carriedo Legacy.”
Bago ang taóng 1878, walang sistema ng gawaing pantubig sa siyudad. Ang mga estero at ilog ang pinagkukunan ng tubig para inumin, ipanlaba, at ipanligo. Mula sa pondong iniwan ni Don Francisco, itinatag ng noo’y gobernador na si Domingo Moriones ang sistema ng patubig nitong ika-20 siglo na tinawag na Manila Waterworks. Bilang pag-alala dito, isang puwente o fountain ang itinayô sa panulukan ng kalye Legarda, Nagtahan, at Magsaysay sa Sampaloc. Noong hulíng bahagi ng dekada sitenta, inilipat ang puwente sa Balara, Lungsod Quezon kasabay ng paglilipat ng tanggapan ng Manila Waterworks and Sewerage Authority. Sa panahon ng panunungkulan ni Alfredo Lim bilang alkalde, naibalik ang puwente sa Maynila at kasalukuyang nakatayô sa harap ng simbahan ng Sta. Cruz. (LN)