Francisco Carreon
(1868–?)
Lider manghihimagsik, matalik na kasáma ni Bonifacio sa Katipunan, at pangalawang pangulo ng Republikang Tagalog ni Macario Sakay, ipinanganak si Francisco Carreon (Fran·sís·ko Kar·re·ón) noong 1869 kina Espiridion Carreon, isang sanidad militar na nakadestino sa Zamboanga, at Jacinta Marcos. Nag-aral siyá sa isang eskuwelahang Heswita sa Zamboanga, ngunit ipinagtuloy sa Tondo dahil sa gulo sa Jolo.
Sari-saring trabaho ang pinasok niya bago nahirang noong 1886 sa Casa Moneda sa Intramuros na ari ng kaniyang tiyo. Pagkaraan ng dalawang taón, nagpalista siyá sa Cuerpo Carabinero. Sa panahong ito niya napangasawa si Bibiana Bastida. Noong 1892, kasáma ng kapatid na si Nicomedes ay sumapi siyá sa Katipunan at ginamit na pangalang pandigma ang “F.C. Silanganan.” Pinsan siyá ni Emilio Jacinto. Naging punò siyá ng sangay na “Silanganan” na ingat-yaman si Nicomedes at piskal ang pinsan niyang si Mariano Carreon. Noong 1896, pinunò na siyá ng konsehong “Dapitan” sa Trozo, Maynila na may sangay na “Silanganan” at “Alapaap.” Sa taón ding iyon, lumipat siyá mulang karabinero tungong guwardiya sibil. Naging miyembro din siyá ng Kataas-taasang Pamunuan ng Katipunan, kasáma sina Pantaleon Torres, Briccio Pantas, Aguedo del Rosario, Teodoro Plata, at Vicente Molina.
Kasáma siláng magkapatid sa pulong ng Katipunan sa bahay ni Juan Ramos noong 24 Agosto 1896 at inatasan siyá ni Bonifacio na bumalik sa Maynila at tipunin ang mga Katipunero doon. Lumahok siyá sa Labanang Tulay ng Zapote noong 7 Pebrero 1897 at muling sumáma kay Bonifacio sa Imus hanggang sa dakpin ang Supremo at litisin. Sumáma siyá sa hukbo ni Aguinaldo noong Hunyo 1896 hanggang sa Digmaang Filipino-Americano. Kasáma siyá ni Macario Sakay nang itatag ang Partido Nacionalista, at nang mabigo ito, nang itatag ang Republikang Tagalog upang ipagpatuloy ang pakikibáka. Siyá ang naging pangalawang pangulo sa naturang pamahalaang mapang-himagsik.
Kasáma siyá ni Sakay nang pataksil na dakpin ito at ibang lider ng Republikang Tagalog at litisin siláng “bandido.” Noong 6 Agosto 1907, hinatulan siláng nagkasala ni Hukom Ignacio Villamor ngunit pinarusahan lámang siyá ng pagkabilanggo. Binitay sina Sakay at Koronel Lucio de Vega noong 13 Setyembre 1907. Hindi nagtagal, nab- igyan siyá ng indulto o pardon at naglingkod sa Bureau of Labor. Isa siyá sa mga bayaning nalimot ng bayan ang mga pangalan. (GVS)