Fernando Canon
(8 Agosto 1860−18 Hulyo 1938)
Isang ilustradong may iba’t ibang talino, si Fernando Canon (Fer·nán·do Ká·non) ay isang manunulat, musiko, imbentor, at naging heneral ng hukbo sa Nueva Vizcaya sa ikalawang yugto ng Himagsikang Filipino. Isinilang siyá noong 8 Agosto 1860 kina Fernando Canon at Blasa Aluma. Isa ring imbentor ang kaniyang ama. Kaeskuwela niya si Rizal sa Ateneo de Manila at karibal sa husay sa klase at karangalan sa pagsulat. Nagtapos siyá ng batsilyer nang may matataas na karangalan, nagpunta sa España, at nag-aral ng medisina. Gayunman, sa ikalimang taón ay naghinto siya sa Universidad Central de Madrid at nag tuon sa inhenyeriya, musika, eskrima, at ahedres.
Eksperto siyá sa paghawak ng espada at pistola. Sina Rizal at Antonio Luna lámang ang nakatatálo sa kaniya sa eskrima at pagbaril. Pero walang dumaig sa kaniya sa ahedres. Nagwagi siyá sa mga kampeonato sa ahedres sa Catalunya at maging sa unang chess tournament sa Maynila noong 1909. Siya ang unang pambansang kampeon ng ahedres sa Filipinas. Mahusay din siyáng tumugtog ng gitara, kudyapi, at ibang instrumento at kinikilála ni Rizal na mas magalíng siyáng makata. Naging aktibo siyá sa Ki- lusang Propaganda at namahala sa pagpupuslit ng mga kopya ng Noli Me Tangere na ipinadalá sa kaniyang kasin- tahang si Teresita Batle, na naging asawa niya.
Ngunit higit na interesado si Fernando sa gawaing inhinyero. Isang imbensiyon niya ang baril na kalibre 12 sa loob ng isang kahang bakal na naititiklop at naibubulsa. Pagbalik sa Filipinas, naging kinatawan siyá sa Kongresong Malolos at hinirang na heneral sa puwersang inhenyeriya. Siyá ang naginstala ng koryente at telepono sa Malolos. Marami pa siyáng proyektong hindi natuloy dahil sa Digmaang Filipino-Americano. Nagtayô siyá ng mga tanggulan sa Bulacan, Nueva Ecija, Camarines, at Ilocos. Pagkuwan, naging heneral siyá ng hukbo sa Nueva Vizcaya.
Pagkatapos ng digmaan, kasáma siyáng nagtatag ng Liceo de Manila at nagturo ng electrodynamics. Pagkuwan, naglakbay siyá sa Europa at nagturo sa Barcelona. Tulad ni Rizal, isa siyáng lingguwista at nakapagsasalitâ ng Español, Ingles, French, German, at Italian. Pagbalik sa Maynila, ibinuhos niya ang panahon sa pagsusulat at saliksik na siyentipiko. Noong 1921, inilabas niya ang aklat ng mga tula, ang A la Laguna de Bay. Nagtagumpay din siyáng makuhanan ng langis ang tangantangan. Namatay siyáng pobre noong 18 Hulyo 1938. Inalok siyá ng Ko- monwelt ng pensiyon ngunit tinanggihan niya sa pagsasabing, “Lahat ng beterano ng Himagsikan ay dapat bigyan ng pensiyon, hindi ang iilan lámang.” (GVS)