CamSur

Province, Bicol Region, Camarines Sur, tourist destination

Ang “CamSur” (Kám·Sur) ay isang palayaw para sa lala-wigan ng Camarines Sur sa rehiyong Bikol. Ang CamSur ang isa sa pinakapopular na destinasyong panturista sa Filipinas, at ginagamit ang palayaw nitó bilang bahagi ng kampanya upang makaakit ng mas marami pang bisita. Ang munisipalidad ng Pili ang nagsisilbing kabisera ng lalawigan, at ang Lungsod Naga ang pinakamalaki at pan-gunahing bayan ng CamSur.

Tanyag sa buong mundo ang bayan ng Caramoan at ang mga pampang, isla, at dagat nitó. Dinadayo ito ng mga turista mula sa iba’t ibang bahagi ng Filipinas at daigdig para mag-beach, scuba diving, kayaking, at snorkeling. Ilang ulit na itong itinampok at ginawang lunan ng popu-lar na palabas sa telebisyon, ang Survivor (ang mga sea-son na Survivor: Philippines at Survivor: Caramoan para sa America, at ilang season ng edisyon ng palabas sa Pransiya, India, Serbia, Israel, Bulgaria, at Sweden).

Nitóng mga hulíng taon ay sumikat ang CamSur Water-sports Complex (CWC) sa Pili. Isa itong resort at parke para sa palakasang pantubig (watersports) tulad ng wake-boarding, wakeskating, at waterskiing. Hindi madalang ang makakita sa CWC ng mga dayuhang mahihilig sa gani-tong uri ng palakasan.

Matatagpuan ang Lawang Buhi malapit sa CWC. Tanyag ang lawa para sa “sinarapán,” ang pinakamaliit na inaan-ing isda sa buong mundo. Ang Bundok Isarog sa labas ng Naga ay isang bulkang dinadayo ng mga mountaineer at kahit mga regular na bisitang nais magbanat ng buto at magpahinga sa píling ng kalikasan. Matatagpuan sa paanan ng bundok ang Panicuason Hot Springs, isa ring destinasyon ng mga turista.

Bilang sentro ng kalakaran at kalinangan ng CamSur, dinadayo din ng mga tao ang Lungsod Naga. Panguna-hing atraksiyon ang “Pista ng Nuestra Señora de Peñafrancia,” o Peñafrancia Festival, na isa sa pinakapopular na okasyong panrelihiyon sa Filipinas. Libo-libo ang dumadagsang deboto at turista mula sa iba’t ibang panig ng bansa sa tinaguriang pinakamalaking pagdiriwang para kay Birheng Maria sa buong Asia. Nakaugat din sa relihiyon ang ibang panturistang destinasyon sa Naga, ang Our Lady of Peñafrancia Shrine, Peñafrancia Basilica Minore, San Francisco Church, at ang Katedral ng Naga kasáma ang arkong Porta Mariae na nakatirik sa harap nitó. (PKJ)

Cite this article as: CamSur. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/camsur/