Claro Caluya
(22 Hunyo 1868−14 Disyembre 1914)
Binansagan si Claro Caluya (Klá·ro Ka·lú·ya) na “Prinsipe ng mga Makatang Ilokano” noong nabubúhay pa dahil sa paghanga sa kaniyang pagtula. Sumulat siyá ng mga tula at dula sa wikang Ilokano at isinalin ang Ultimo Adios ni Rizal.
Isinilang siyá sa Piddig, Ilocos Norte noong 22 Hunyo 1868 kina Rafael Caluya, na isang tenyente, at Norberta Pasion, na isang guro. Nakapag-aral at noong 1884 ay naglingkod bilang eskribano sa hukuman pambayan. Napangasawa niya si Sabina Aquino noong Mayo 1886. Nahirang siyáng cabeza de barangay noong 1890 at gobernadorsilyo noong 1893. Noong 1896, isa siyáng boluntaryo sa hukbong Español laban sa Himagsikang Filipino ngunit hindi nagtagal at sumapi sa hukbong rebolusyonaryo hanggang 1897. Nabihag siyá sa panahon ng Digmaang Filipino- Americano, ipiniit sa bilangguan ng probinsiya, at sakâ inilipat sa Maynila hanggang 1902.
Nagbalik siyá sa Piddig nang palayain at nahirang na presidenteng bayan noong1902−1905. Sa panahon ng kaniyang panunungkulan nabuksan ang mga paaralan, naorganisa ang mga industriyang lokal kasama ang pag-gawa ng arpa, at naitayô ang unang palengkeng publiko sa bayan.
Marami siyang isinulat na tula at dula ngunit hindi pa nalalathala ang karamihan. Kabilang sa mga tula niya ng pag-ibig ang “Ken Barang,” “Pinagpinnakada,” “Luluac ti di Agsarday,” “Dinaccad Dil-dilawen,” at “Barocongcot marupsan Agayat Laeng.” Isinulat din niya ang mga kom- edyang Aldeana at La Aventurera at mga sarsuwelang Pateg ti Umma a Cari at Napatpateg ti Ayat ti Ili. Siyá rin ang kompositor ng awit na “Bannatiran,” isang awit hinggil sa isang ibong napakaganda. Bilang parangal, isang monumento ang inialay sa kaniya sa harap ng munisipyo ng Piddig. Sa logo ng St Anne Academy sa Piddig ay may arpa upang isagisag ang yamang pangkultura ng bayan at ipagunita sa mga mag-aaral ang talino ni Caluya. (VSA)