Juan Cailles
(10 Nobyembre 1871−21 Hunyo 1951)
Si Juan Cailles (Hu·wán Ka·íl·yes) ay isang guro, politiko, at pinunòng rebolusyonaryo ng mga Filipino noong Himag- sikang 1896 at noong Digmaang Filipino- Americano.
Isinilang siyá noong 10 Nobyembre 1871 sa Nasugbu, Batangas kina Hippolyte Cailles, isang Pranses, at Maria Kauppama. Ikaanim siyá sa pitóng magkakapatid. Ang una niyang edu- kasyon ay sa bahay ni Ovidio Caballero. Nagtapos siyá sa Escuela Normal na pinatatakbo noon ng mga Heswita sa Maynila. Naging guro siyá nang limang taón sa pampublikong paaralan sa Amaya, Tanza at sa Rosario, Cavite.
Nag-organisa siya ng puwersa na kinabibilangan ng mga ama ng kaniyang mga estudyante noong nagsisimula ang rebolusyon. Para sa kanila, nanatili siyá bilang Maestrong Cailles, kahit sa sunod-sunod niyang promosyon sa mili- tar. Naging bahagi siyá ng maraming engkuwentro laban sa mga Español, tulad ng engkuwentro na nagresulta ng kamatayan ng kaniyang mga nakatataas na sina Hen. Candido Tria Tirona, Edilberto Evangelista, at Crispulo Aguinaldo.
Noong 17 Setyembre 1900, nanalo ang grupo ni Cailles sa Mabitac, Laguna laban kay Colonel Cheetham. Pinaya- gan niya si Cheetham na kuhanin ang mga katawan ng walong sundalong Americano kasáma ang kanilang mga personal na gamit. Isang salungat na halimbawa ito sa gi- nawang masamâng trato ng mga Americano sa bangkay ni Hen. Gregorio del Pilar sa Pasong Tirad noong 2 Di- syembre 1899.
Matapos maglingkod bilang pansamantalang hepe ng mga operasyon sa unang sona ng Maynila noong Dig- maang Filipino-Americano, ginawa siyang gobernador militar ng Laguna at Tayabas. Ang pagkakadakip kay Aguinaldo sa Palanan, Isabela noong 23 Marso 1901 ay nagkumbinse sa kaniya na sumuko sa mga Americano noong 20 Hunyo 1901.
Naging gobernador siyá ng Laguna mula 1901 hanggang 1910, at 1916 hanggang 1925. Naging representante na- man siyá ng Mountain Province sa Philippine Assembly noong 1925−1928. Noong 1931−1934 ay naging gober- nador siyáng muli ng Laguna. Noong 2 Mayo 1935 at mag-alsa ang Sakdal, nagawa niyang pigilan ang mga ito dahil sa kaniyang administratibo at rebolusyonaryong ka- ranasan. Nahuli rin niya ang kilaláng Kilabot ng Sierra Madre na si Teodoro Asedillo. Namatay siyá noong 21 Hunyo 1951 sa sakit sa puso. (KLL)