Cagsawa

Cagsawa (Kag··wa) ang popular na itawag sa Guhòng Cagsawa na matatagpuan sa Barangay Busay, Cagsawa, Daraga, Albay. Ang guho ay ang natirang tore at ilang bato ng Simbahang Cagsawa na natabunan ng lava nang pumutok ang Bulkang Mayon noong 1 Pe- brero 1814. Naliligid ito ngayon ng isang halaman attindahan ng sobenir at orkidya at isang ipina- hayag noong 1954 na makasaysayang parke ng National Historical In- stitute. Ito rin ang isa sa pinakapopular na desti- nasyon ng mga turista sa Albay.

Ang simbahang Cagsawa ay nagsimula sa ilalim ng parokya ng Camalig noong 1587−1595. Ang unang simbahan ay na- sunog noong 25 Hulyo 1636 sa pagsalakay ng mga  piratang Olandes.

Ang Guhong Cagsawa ay mula sa simbahang ipinatayô ng mga Pransiskano sa pangunguna ni Fray Francisco Blanco noong 1724 at ginamitan ng korales. Simbolo ito ngayon sa mga panganib ng pamumuhay malapit sa Bulkang Mayon, na mga 11 kilometro lámang ang layò. Sa pagsabog ng Mayon noong 1814 ay tinatayang 1,200 mamamayan ang namatay at lumubog sa abo at putik ang buong Cagsawa. Daan-daan ang nagtago sa simbahan at kasá- mang nasawi sa dumanak na lahar at payroklastik. May natira pa sa patsada ng simbahan ngunit pinabagsak ng mga lindol noong mga taóng 1950.

Dahil sa trahedya noong 1814, ipinasiyang isáma ang Cagsawa sa munisipalidad ng Daraga. Sa harap ng guho ay itinayô noong 1992 ang Cagsawa National Museum, at itinuturing na ikatlong pinakamalaki sa mga sangay ng Pambansang Museo. Naglalaman ito ng mga retrato ng pagsabog ng Mayon at makabuluhang mga artifact na heolohiko o arkeolohiko mula sa rehiyon. Muling nanganib ang Guhong Cagsawa noong 2006 dahil sa Super Typhoon Reming. Ngunit nakaligtas ito sa kabilâ ng malaking pagbahâ ng putik at bato sa paligid at pu- muksa ng 1,266 katao. (VSA

Cite this article as: Cagsawa. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/cagsawa/