Buwís
governance, taxation, government, government agency
Sa ilalim ng mga batas ng Filipinas ngayon, ang buwís ay katumbas ng tax. Ito ang porsiyento ng kinikita o porsiyento ng halaga ng pag-aari na ibinabayad sa pamahalaan at nagiging pondo upang gamitin sa pamamahala ng isang bayan, lalawigan, o ng buong bansa. May hiwalay na mga tuntunin sa paniningil ng buwis ang pamahalaang lokal at ang pamahalaang pambansa. Gayunman, ang pambansang ahensiya para sa pagtatakda at paniningil ng buwis ay ang Kawanihan ng Rentas Internas o Bureau of Internal Revenue (BIR). Tungkulin ng bawat mamamayan na magbayad ng buwis taón-taón.
Ang buwís ay tawag din sa bahagi ng ani na ibinibigay ng magsasaka sa may-ari ng lupa. Isang relasyon itong nag-ugat sa sistemang asyenda noong panahon ng kolonyalismong Español. Nagpamigay ng malalaking lupain ang gobyernong kolonyal bilang gantimpala sa ilang opisyal at negosyante, na wala namang kakayahang magsáka, at sa gayon ay kumuha ng mga tinatawag na “ingkilíno” (inquilino) o upahang magsasaka. Pagkuwan, tinawag ang mga magsasaka na “kasamá” at sumailalim sa kasunduang pagbabayad ng buwis na ani. Naging ugat ng mga abuso ang ugnayang buwisan. Kapag nagigipit, pumapayag ang mga kasamá sa mga mapang-aping pagbubuwis na gaya ng “talinduwâ” at “takípan.” Bahagi ng kasalukuyang batas sa reporma sa lupa ang pagtutuwid sa kolonyal na buwisan at ang pamamahagi ng malalawak na asyenda sa mga maliit na magsasaka.
Ang buwis ay isang sinaunang sistema at ipinapataw ng mga datu at maharlika sa nasasakupan. Maaari itong ba-hagi ng ani o serbisyong kailangan ng pinunò mula sa kanilang sakop. Ipinapataw din ito noon sa paggamit ng daungan ng mga dayuhang negosyante. Ang bagay na ito ay natutulad sa tinatawag na “tribúto” sa matandang Europa at hinihingi ng isang hari sa kaniyang sakop na mamamayan o ibang lupain. Sa panahon ng kolonyalismong Español, naging sanhi ng mga pag-aalsa ang pagpapataw ng mga di-makatwirang buwis at sapilitang paglilingkod ng mga Filipino. Sa Himagsikang 1896, pinunit nina Andres Bonifacio ang kanilang sédulá dahil simbolo ito ng kanilang pagkaalipin. Malinaw na ang buwis na ibinabayad ng mamamayan ay kailangang tapatan o suklian ng kaukulang serbisyo mula sa pamahalaan. (VSA)