Buwénamáno
beliefs, trade, business, customs, traditions, fortune, good luck
Sa mga negosy-ante at nagtitinda, napakahalaga ng unang-unang benta sa araw ng pagbubukás ng nego-syo o ng tindahan. Maraming naniniwala na naiimpluwensiyahan ng unang benta ang takbo ng negosyo sa isang partikular na araw. Kayâ kapag maagang-maaga sa mga tindahan at palengke, laging maririnig ang salitang “buwénamáno.” Kapag maganda ang unang benta, at hindi “buwisít,” magiging maganda rin ang bilihan sa buong araw. Kayâ upang maging maganda ang benta, karaniwang sinasabi ng nagtitinda ang pagbibigay ng diskuwento o tawad sa unang mamimili dahil ito ay “buwenamano.”
Mula ito sa salitâng Español na nangangahulugang “mabuting kamay” (buen, ‘mabuti,’ at mano, ‘kamay’).
Hanggang sa kasalukuyan, buháy na buháy pa rin ang salitâng ito, hindi lámang sa mga palengke at tindahan, kundi maging sa mga department store. May ilang negosyante na tumatangging palitan ang kalakal na ibinabalik ng bumili dahil hindi nagustuhan o may depekto kapag Lunes ng umaga, dahil ayaw nila na magsimula ang isang bagong linggo sa pagpapalit ng bagay na naibenta na. “Málas” ito diumano. Kaugnay din nitó ang paniwala na may táo na mainam na “buwenamano” dahil “buwenas” o umaakit ng iba pang mamimili. Sa kabilâng dako, may táo naman na “málas” o “buwisit” dahil hindi sinusundan ng ibang mamimili. (AEB)