Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

buwáya

Philippine Fauna, reptile, crocodile, corruption

Ang buwáya ay isang mabangis na reptil na kabílang sa pamilya Crocodylidae, may mahabang nguso, matatalas na ngipin, magagaspang na balat, at naninirahan sa mga matubig na lugar, lalo sa mga ilog na mabagal ang agos. Matatagpuan ito sa malaking bahagi ng tropikal na rehiyon ng Asia, Africa, America, at Australia. Maaari itong kumain ng iba’t ibang uri ng buháy at patay na mga mammal at isda. Ang buwaya ay tinatawag na “dapi,” “dapu” sa Kapampangan at “vaya” sa Ibanag.

Ang Crocodylus mindorensis ay isang buwáya na matatagpuan lámang sa Filipinas. Ang pinakamalaking buwáya sa buong mundo ay nahúli sa Filipinas noong Setyembre 2011. Ang habà nitó ay 21 piye (6.4 metro) at tumitimbang ng 1,075 kilo (2,370 libra). Mas malaki ito sa napatalâng dáting pinakamalaki sa buong mundo na may habàng 17 piye. Nahuli ito sa Nueva Ira, Bunawan, Agusan del Sur. Ito ay isang lalaki, tinatayâng mahigit nang 50 taóng gulang, kayâ pinangalanang “Lolong.”

Ang “buwaya” ay nagsisilbi ding metapora para tukuyin ang mga kurakot at mapagkunwari na mga tao, lalo ang mga opisyal ng pamahalaan, dahil na rin sa angking katakawan at pagkukunwaring di-gumagalaw ng buwaya upang akitin ang maliliit na hayop na pumasok sa bibig nitó. Pinamagatan namang Luha ng Buwaya¾mula sa idyomang “luha ng buwaya” o “crocodile tears” na nangangahulugang balatkayo¾ang nobela ni Pambansang Alagad ng Sining Amado V. Hernandez tungkol sa umiiral na pagmamalabis at pagkukunwari ng may-ari ng lupaing sakahan, na tinuligsa ng mga nagbuklod na magsasaka sa pangunguna ng isang guro. (SSC)

Cite this article as: buwáya. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/buwaya/