Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

butikî

Philippine Fauna, lizard, reptile

Ang butikî (pamilya Squamata) ay kabílang sa mga reptilya. May humigit-kumulang  5600 uri ng butiki na matatagpuan sa buong mundo. Sina-sabing malapit ang pinagmulan ng butiki sa ahas dahil sa magkatulad nitóng balát at anyo ng buto.

Ang butikî ay may tainga at apat na paa. Ito ang kapansin-pansing kaibhan ng butiki sa ahas. Maraming butiki ang may kakayahang tanggalin ang buntot para makatakas sa kaaway o tinatawag na autotomy. May ilan namang butiki ang may kakayahang magbago ng kulay ng balát upang makapagtago sa mga kaaway. Mahalaga sa mga butiki ang paningin dahil ito ang ginagamit para makita ang mga kaaway at magkaroon ng komunikasyon sa iba.

Karamihan sa mga butikî ay naninirahan sa ilalim ng lupa. Mayroon din sa mga disyerto at matutubig na lugar. Ang Amblyrhynchus naman ay sa tubig alat. Ang ilan sa mga butiki ay gisíng sa gabi at natutulog kung umaga. Marami ang nabubuhay sa pagkain ng insekto at bulate, at ang iba naman ay sa mga dahon. May mga kumakain din ng prutas at gulay.

Ang itlog ng butiki ay hugis biluhaba at magkatulad ang magkabilang dulo. Iniiwan ng ina ang mga itlog nitó sa buhanginan o sa mga tagong lugar upang kusang mabuksan sa tamang panahon. Maraming uri ng butiki ang hindi nangingitlog, kundi nagsisilang ng batàng butiki.

Tinatawag din itong “alutíit” sa Ilokano, “lupísak” sa Kapampangan, “suksúk” sa Hiligaynon, “tabilí” sa Bikol, at “tagetëk” sa Mëranaw. (ACAL)

Cite this article as: butikî. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/butiki/