Búsaw

folklore, mythology, legends, monsters, mythical creatures, beliefs

Ayon sa mga “ituran” (kuwentong-bayan) ng mga Bagobo, mga katutubong matatagpuan sa itaas na bahagi ng Ilog Polangi at Davao, ang búsaw ay mga halimaw na nagkakatawang-tao upang makapanlinlang ng kaniyang bibiktimahing tao. Sa ibang Bagobo, tinatawag ding “buso” ang mga halimaw na naging sanhi ng katatakutan. Dahil may hitsura at kilos tao ang mga busaw, mahirap itong matukoy kapag nakasalubong. Sa paniniwala ng mga Bagobo, ang mga busaw ay kumakain ng mga patay na katawan ng tao at nakapapanakit ng mga tao. Sinasabi rin nilá na ang mga busaw ay mahilig kumain ng mga batà.

Upang hindi kainin ng busaw ang mga bangkay, kinakailangang pahiran ito ng mga halamang-ugat at mga dahon na may mapait na lasa. Maaari ring maglagay ng asin at sukà sa bangkay upang hindi lapitan ng busaw.

Sa kuwentong-bayan ng mga Bagobo na pinamagatang Ang Busaw at Dalawang Bata, minsang pumunta sa ilog ang ina ng mga bata upang mag-igib at manguha ng igat. Hábang nása ilog, hinila ng igat ang ina at dinalá sa malalim na bahagi ng ilog upang lunurin. Nagkatawang-tao ang busaw na namamahay sa ilog at ginamit ang katawan ng ina ng mga batà upang linlangin ang mga ito at makain. Pagdáting sa bahay, nagtaká ang panganay na anak kung bakit hawak-hawak ng ina ang isang igat gamit lámang ang kaniyang mga kamay. Nagduda ang batà at nagplanong umalis sa bahay. Nang makatúlog ang busaw, mabilis na tumakas ang mga batà. Nagpatulong silá sa palaka at bubuyog na nakasalubong ngunit hindi natulungan ang mga bata. Isang usa ang nakasalubong nilá at sinabihang siláng sumakay kapag dumating ang busaw. Nang malapit na ang busaw sa kinalalagyan ng mga batà at usa, mabilis na tumakbo ang usa at sakâ iniwan sa isang mataas na punò ang magkapatid. Nakipagbuno ang usa sa busaw ngunit dahil sa lakas ng busaw, natalo at kinain din ito ng busaw. Sa punongkahoy, isang batàng lalaki ang nakipag-usap sa magkapatid. Sinabi niyang kapatid din siyá ng mga batà at kinailangan niláng patayin ang busaw. Gamit ang mga damo, luya, at iba pang halamang-gubat, kanilang natalo ang busaw.

Sa kasalukuyan, iniuugnay ng ilang pamayanang Bagobo ang busaw sa mga pumapasok sa kanilang lupaing ninuno. Kabilang sa mga makabagong busaw ang mga nagmimina at mga misyonero. Para sa mga Bagobo, ang pagpasok sa kanilang tinitirhan ay nagiging mapanganib para sa kanilang kultura, kalikasan, at kalusugan. (SJ)

 

 

Cite this article as: Búsaw. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/busaw/

Related Articles