Búrol

burial, death, customs, traditions , folklore

Ang búrol ay panahon ng pagbabantay sa bangkay bago ilibing o ang bangkay na pinaglalamayan bago ilibing. Nagtatagal ito nang tatlo hanggang pitóng gabi, depende sa sitwasyon at problema sa paglilibing. Sa ngayon, para makatipid ay kanais-nais ang maikling burol. Mayaman, wika nga, ang maykáyang gumastos sa matagal na búrol. Ngunit kahit maralita, hindi maaaring maglibing kung matatapat ito sa araw ng Lunes dahil sa pamahiing malas kapag umpisa ng linggo. Malimit ding nabibimbin ang libing kapag may hinihintay na kamag-anak mula sa malayò.

Ang nalinis at embalsamong katawan ng namatay ay nása isang kabaong sa bahay ng namatayan, sa punerarya, o sa kapilya. Napalilibutan ang kabaong ng mga ilaw, mayroong malapit na registry book, kahon ng donasyon o abuloy, at mga bulaklak. Mayroong nakahandang pagkain at inumin para sa mga nakikilamay. Sa kanayunan noon, ang lamayan ay nagiging panahon ng pagpapakita ng pagkakaisa at pagtatanghal ng mga tradisyonal na palabas. May iba’t ibang aktibidad na nagaganap sa labas o malapit sa lamayan, tulad ng awitan, tugtugan, at duplo. Sa ngayon, pumalit ang sugalan upang magpalipas ng oras at manatiling gisíng.

Ilan sa mga pamahiing isinasaalang-alang ang mga Filipino na nakikipaglamay ay: bawal magsuot ng puláng damit, bawal maghatid ng bisita, bawal umuwi nang deretso sa bahay, bawal mag-uwi ng pagkain, bawal magwalis sa bahay ng namatayan, bawal mapatakan ng luha ang salamin ng kabaong. May ritwal ng paglalagay ng sisiw sa ibabaw ng kabaong, pagpuputol ng rosaryo na nása kamay ng yumao, at pagtatawid ng mga batàng kamag -anak sa ibabaw ng kabaong bago ito ilagay sa karo o ilibing, at iba pa. (VSA)

 

Cite this article as: Búrol. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/burol/