Buntót-páge

folklore, beliefs, customs, witchcraft, monsters,  spirits

Ang buntót-páge ay isang latigo na gawa sa buntot ng isdang page. Isang pangunahin itong sandata noon laban sa mga masamâng espiritu. May paniwalang napakabisà nitóng ihagupit laban sa aswang at ibang sobrenatural na nila-láng. Kailangang idispley ang buntot-page sa bahay at palagiang inihahampas-hampas sa mga pintuan, tarangkahan, bintana, at iba pang maaaring pagdaanan ng mga masamâng nilaláng pagsapit ng dilim upang kung marinig ito ay matákot lumapit sa tahanan ng may-ari. Dinadalá din ito sa paglalakbay kung gabi para sa naturang layunin.

Hinuhúli sa gayon ang mga páge hindi lamang dahil sa malinamnam na karne kundi upang gawing latigo ang mga buntot. Ibinibilad at pinatutuyong mabuti ang buntot. Sinasabing napakalalim sumugat ang hagupit ng buntót-páge at mahirap gumalíng. Naging simbolo din ito ng kalupitan ng mga abusadong asendero’t guwardiya sibil na panahon ng kolonyalismong Español dahil ginagamit ipanghagupit sa mga nagkasálang magsasaka. Karaniwang inilalako ang mga buntot-page kasáma ng mga anting-anting, gayuma at iba pang katulad. Sa Metro Manila, maaaring makabili ng mga buntót-páge sa Quiapo. (MJCT)

 

Cite this article as: Buntót-páge. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/buntot-page/