Bunót at walís

household, tools, cleaning, hygiene, crafts, handicrafts

Sa kabilâ ng modernong vacuum cleaner, pinagtitiwalaan pa ring panlinis sa sahig ng karaniwang bahay ang tambalang bunót at walís. O kahit may vacuum cleaner na, lagi pa ring may walís para sa mga gawaing hindi káya ng mekanisado at de-koryenteng panlinis.

May mga singit na maaari lámang kutkutan ng dumi sa tulong ng walís. Ang sabi din, mas makintab ang sahig na “binunót.”

Dalawang klase ang walis. Una ang “walis-tingting” na tinaliang kumpol ng mga tingting o tadyang ng dahon ng niyog. Mainam itong pangkutkot ng dumi, pang-alis ng agiw, at karaniwang panlinis sa bakuran. Ikalawa ang “walis-tambo” na tila pamaypay na kumpol ng mga dahon na tambo o talahib at nilagyan ng tagdan. Mainam itong panlinis ng alikabok at maliliit na dumi sa sahig.

Ang bunot ay kalahati ng balat at bao ng bunga ng niyog. Binubusalsal ang balat upang magkamukhang ulo ng sepilyo. Pataob na inilalapat ito sa sahig, “sinasakyan” ng naglilinis, at paulit-ulit na pinadadaan sa bagong wax na sahig hanggang kumintab. Sinusundan pa ito ng pagpapadaan ng tuyo at malinis na basahan upang maalis ang mumog ng bunot at lalong kumikinis at magningning ang kintab.

Bukod sa mura, ang panlinis sa pamamagitan ng bunot at walis ay matipid dahil sa konsumo ng elektrisidad at mahusay na ehersisyo. (GCA)

 

Cite this article as: Bunót at walís. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bunot-at-walis/