Bunô
games, wrestling, traditional games
Isang laro ng lakas at tatag ng katawan ang bunô. Sa larong ito, nagsusunggaban ang dalawang manlalaro at sinisikap ng isa’t isa na maihagis sa sahig o lupa ang kalaban at madaganan. Tinatawag itong wrestling, isang pandaigdigang isports at may karampatang mga tuntunin ang pormal na paglaro. May kahawig itong tradisyonal na laro sa Japan at tinatawag na súmo.
Sa bunô, kamay at bisig lámang ang maaaring gamitin sa pagsunggab at paghahagis sa kalaban. Bawal gumamit ng ulo upang untugin at hiluhin ang kalaban. Kapag naitumba ang kalaban, kailangang ipitin ito at mapanatiling nakadikit ang likod o balikat sa rabaw ng sahig o lupa habang binibilangan ng reperi upang magwakas ang labanan.
Isang uri ng bunô ang tinatawag na “bunông-bráso” dahil lakas ng braso o bisig ang kinakailangan. Sa bunong-braso, pinagkukrus ng dalawang magkalaban ang tig-isang kamay at nakapatong ang mga siko sa ibabaw ng isang bangkô o mesa. Ang layunin ay patumbahin ang kamay ng isa hanggang sa dumikit ito sa rabaw ng mesa o bangkô. Pagkatapos ng ilang bílang na hindi naiaangat ng natumba ang kaniyang kamay, idedeklarang panalo ang kaniyang katunggali. (MJCT)