búnga
Philippine Flora, palm, fruit, plant, betel nut, nganga ,
Ang búnga ay isang uri ng palma (Areca catechu) na mataas, katutubo sa Filipi-nas at Asia, at ginagawang “ngangà” ang prutas. Mula ito sa pamilyang Arecaceae na halamang namumulaklak at sa genus na Areca na kilalá sa pagiging punongkahoy na may isahang tangkay. Ang A. catechu ay pinakakilalá sa lahat ng miyembro ng genus na Areca. Ito ay may taas na umaabot hanggang
20 metro at ang katawan ay may diyametrong 10-15 sentimetro. Ang mga dahon ay may habàng isa hanggang dalawang metro at nakaay-os na tila pakpak ng ibon.
Matatagpuan ang búnga sa timog- silangang Asia, lalo na sa Malaysia, Vietnam, at Filipinas.
Mapakla at maanghang ang prutas ng búnga. Popular ito sa mga matatanda dahil sa tradisyon ng pagngangà— nginunguya nilá ito kasáma ng dahon ng betel at apog. Madalas din itong mapagkamalang betel dahil isinasabay nga ito sa pagnguya ng dahon ng betel. Ang pagnguya ng ngangà (tinatawag ding “búyo”) ay isang sinaunang tradisyon. Maririnig ito at makabuluhang bahagi sa mga epikong-bayan. Sa isang pakikipagsapalaran ni Tuwaang, bayani ng epikong-bayang Bagobo, dumalo siyá sa isang kasal at naging sanhi ng mahabàng paglalaban ang siga-lot na dulot ng ngangà. Isang makulay na tagpo sa isang epikong-bayan sa Cordillera ang pagpunta sa digma ng isang hukbo hábang ngumunguya ng ngangà. Pagkuwan, sabay-sabay siláng dumura, at wika ng nagsasalaysay, “nagkulay dugo ang gilid ng bundok.”
May taglay itong stimulant at itinuturing na pang-apat sa mga sustansiyang adiktiba pagkaraan ng caffeine, nicotine, at alkohol. Sinasabing ang pagngangangà ng bunga at da-hon ng betel ay maaaring maging sanhi ng kanser sa bibig, lalamunan, lalaugan, at tiyan. (KLL)