Bundók Nátib
Geology, volcano, Bataan, hot spring, mountain, Luzon, protected area
Ang Bundok Nátib ay isang bulkan na matatagpuan sa bayan ng Orani, lalawigan ng Bataan, sa kanlurang bahagi ng Luzon. Naghahari ito sa hilagang bahagi ng Tangway Bataan. Ang Natib at ang karatig na Bundok Mariveles ay kabilang sa Bulubunduking Zambales at sumasakop ng 80 porsiyento ng lupain ng Bataan. May taas itong 1,253 metro.
Wala pang naitatalâng pagsabog ng Natib sa kasaysayan, at tinatayang hulí itong sumabog ilang libong taon na ang nakararaan. Aktibo pa rin naman ang ilalim ng lupa sa Natib na sumisingaw sa maiinit na bukal (hot springs) ng Asin, Mamot, Paipit, Tigulangin, at Uyong. Ang bundok at kaligiran ay protektado ng batas at sakop ng Pambansang Parke ng Bataan. Popular ang Natib sa mga mountaineer, ngunit minsan ay isinasara ito sa publiko dahil sa mga operasyong militar. Handog ng tuktok nitó ang magagandang tanawin ng Bundok Samat at Bundok Mariveles, Dagat Kanlurang Filipinas, kanayunan ng Bataan, at kahit ang Subic Bay Freeport Zone. Matatagpuan din sa Natib ang Talon ng Pasukulan. (PKJ)