Bundók Makíling
Geology, mountain, Laguna, ecology, protected area, biodiversity, folklore, Maria Makiling, mythology, Philippine Mythology, volcano, active volcano, Batangas
Ang pinakamalaking pambansang parke ng Filipinas at maalamat na tahanan ng diwatang si Mariang Makiling, matatagpuan ang Bundók Makíling sa lalawigan ng Laguna. Kilala rin ito sa pangalang Bundok Maquiling. Ito ay isang di-aktibong bulkan na may taas na 1,143 metro mula sa ibabaw ng dagat at may kabuuang sukat na 4,250 ektarya. Maraming maalamat na kuwento ang bumabalot sa bundok na ito, lalo na ang kuwento tungkol kay Mari-ang Makíling na pinapaniwalaang diwatang nagbabantay sa bundok. Ang hugis ng bundok na ito ay sinasabing ang nakahigang posisyon ng diwata.
Ang Bundok Makiling ay paboritong lugar na dinadayo ng mga umaakyat sa bundok. Ang dalawang pangunahing daan paakyat dito ay nagsisimula sa kampus ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Banos (UPLB) sa bahagi ng College of Forestry at sa Barangay San Miguel, Sto. Tomas, Batangas. Ang daan mula sa UPLB ay kadalasang umaabot ng apat hanggang limang oras para marating ang pinakatuk-tok nitó. Sa bahagi naman ng Sto. Tomas, na mas mahirap ang daan, umaabot ng anim hanggang pitóng oras bago makarating sa tuktok ng bundok. Halos 3,000 iba’t ibang uri ng halaman ang matatagpuan dito kung kayâ paborito itong estasyon ng pananaliksik ng mga naturalista.
Ito ay idineklarang mahalagang lugar para sa mga ibon noong 23 Pebrero 1933 batay sa Proklamasyon Bilang 552 at Bilang 692 noon namang 2 Agosto 1960. Nasa-sakop nitó ang Mt. Makiling National Park na may sukat na 3,328 ektarya. Ang kagubatan sa bahaging ibabâ nitó ay nahawan na o kinaingin upang pagtaniman ng mga produktong pangkalakal, subalit nananatiling may magandang kalidad ang natitira nitóng gubat sa palibot ng harding botanikal at sa loob ng kampus ng Unibersidad ng Pilipinas. Maraming pananim sa dalisdis ng Bundok Makiling, katulad ng niyog, kape, saging, pinya, mga sitrus, mais, at mga gulay. Ang kagubatan ng Bundok
Makiling ay nagbibigay ng mahalagang balanse sa sistema ng ekolohiya ng lalawigan. Pinipigilan nitó ang pagguho ng lupa at nagsisilbing santuwaryo ng mga ilahas na hayop. Ito ay mahalaga ring imbakan ng tubig na pinagmumulan ng mga natural na bukal ng mainit na tubig para sa mga pook paliguan na isang pangunahing atraksiyon at malaking negosyo sa Laguna. (AMP)