Bulkáng Kanlaón
Geology, volcano, mountain, volcanoes, earthquake, Pacific Ring of Fire, magma, active volcano, hot springs, Kanlaon
Ang Bulkáng Kanlaón ang tinaguriang kambal na bulkan sa pulo ng Negros, sa pagitan ng Negros Oriental at Negros Occidental at nása layòng 36 kilometro mula sa Bacolod. Ito ang pinakamataas na bulkan sa pulô ng Negros, may taas na 2,465 metro ang isa at 2,200 metro naman ang ikalawa. Aktibo o buháy ang una, ang Lugud Krater, samantalang ang ikalawa, ang Lambak Margaja ay isa nang lawa na dinadayo ng mga turista. Ang bulkan ay may tatlong bukal na pinanggagalingan ng mainit na tubig na nása dalisdisan nitó, ang Mambucal Hot Spring, Bucalan Hot Spring, at Bungol Hot Spring. Bahagi ito ng tinatawag na “Negros Volcanic Belt” at kilalá rin sa tawag na “Cuernos de Negros.” Marami ring talon ang nása loob ng kagubatan ng Kanlaon, kabílang ang Talong Sudlon at ang Talong Quipot.
Ang Bulkang Kanlaon ay 25 beses nang sumabog mula 1866. Ang unang naitalâng pagputok nitó ay noong 1866 at sinundan ng iba pang mga pagsabog ng mga sumunod na taón. Pinakamalakas ang pagputok noong 1893 nang umulan ng abo at umagos ang kumukulong putik sa kinalalagyan ngay-on ng Lungsod San Carlos. Ang pinaka-huling pagputok nitó ay noong 1985. Subalit noong 1996, bigla itong nagbuga ng mga bato at abó na ikinamatay ng tatlong mountain hikers na naipit sa tuktok ng bulkan.
Ginawang pambansang parke ang paligid nitó noong 8 Agosto 1934 at may lawak na 246 kilometro kuwadrado ang nasasakop. Ang parke ay may masukal na kagubatan at dinadayo ng mga mountain climbers. Maraming uri ng hayop at bulaklak ang makikita sa nasasakupan ng parke. Ang parke ay may mahigit 40 kilometrong daanan papun-ta sa pinakatuktok ng bulkan. Ang pinakamaiksing ruta paakyat ng bulkan ay ang Daang Masulog na may walong kilometro ang layò at ang pinakamahabàng ruta ay ang Daang Wasay na aabutin ng dalawang araw na paglalakad sa masukal na kagubatan ng parke bago makarating sa tuktok ng bulkan. (AMP)