Bulkáng Híbok-Híbok
Geology, volcano, mountain, volcanoes, earthquake, Pacific Ring of Fire, magma, active volcano
Aktibong bulkan sa pulo ng Camiguin ang Bulkáng Híbok-Híbok na may taas na 1,332 metro at paanan na 1,000 metro ang diyametro. Kilala rin ito sa tawag na Catarman. Isa ang bulkang ito sa mga aktibong bulkan sa Filipinas at bahagi ng “Pacific Ring of Fire.”
Mayroon itong anim na bukal na naglalabas ng mainit na tubig, ang Ardent, Tangob, Bugong, Tagdo, Naasag, at Kiyab. May tatlo rin itong bunganga na pinagmulan ng mga nakaraang pagsabog, ang Kanangkaan (1948), Itum (1949), at Ilihan (1950). Dahil rin sa mga nakaraang pagsabog nitó, nabuo ang Bundok Vulcan na nása hila-gang-kanluran ng Hibok-Hibok; ang Bundok Mambajao na nása gitna ng Camiguin at kasalukuyang namiminahan ng asupre; ang Bundok Ginsiliban na nása pinakatimog na bahagi ng Camiguin; at Bundok Uhay na nása hilaga ng Bundok Ginsiliban. Nabuo rin ang Gulod Campana, Gulod Minokol, Gulod Tres Marias, Bundok Carling, Bundok Tibane, at Gulod Piyakong.
Unang pumutok ang Bulkang Hibok-Hibok noong 1827 at nasundan noong 1862. Parehong nagdulot ng malaking pinsala sa mga taniman ang mga pagsabog na ito. Noong Enero 1871, ang mga lindol at pagyanig sa ilalim ng bul-kan na tumagal hanggang Abril ay sinundan ng pagbuga ng mga bato at abo na sumira sa kalupaan at mga plan-tasyon sa dulong hilaga ng Camiguin. Sa pagsabog na ito nabuo ang isa sa mga simboryo ng bulkan na tinawag na Vulcan at umabot ang taas nitó sa 457 metro. Ang kasalukuyang simboryo ng bulkan ay nagbuga ng maputing usok ng asupre na sumisira sa mga pananim sa lugar. Tumagal ang ganitong aktibidad ng bulkan hanggang 1902 at naulit ang ganitong pagbuga ng asupre noong 1948 na nagresulta sa pagkakaroon ng panibagong butas sa bul-kan. Nang sumabog ito noong 4 Disyembre 1951, may 500 katao ang namatay, nasunog ang maraming bahay, at maraming nasirang pananim. Dahil sa pagiging aktibo, maraming naninirahan sa paligid nitó ang lumipat sa ibang kalapit na pulo. (AMP)