Bulíng-bulíng

dances, traditional dances, festivals, Sto. Nino, processions

Maaaring tumukoy ang bulíng-bulíng sa (1) tradisyonal na sayaw sa Pandacan, Maynila, at sa taunang pista na tampok ito, o sa (2) basaan sa ilang pook sa Filipinas.

Sa Pandacan, isinasayaw ang buling-buling bilang pasasalamat kay Santo Niño na diumano ay iniligtas ang Pandacan laban sa mga kanyon ng mga Español na mananakop. Tuwing Enero, nagsusuot ang mga taga-Pandacan ng mga damit mula sa panahon ng Español at sumasayaw sa saliw ng mga bánda. Ang sayaw ay binubuo ng apat na hakbang, paggalaw ng katawan pakaliwa at pakanan, hábang ikinokompas ang mga kamay.

Ang buling-buling na basaan ay ginaganap sa iba’t ibang lugar sa bansa, ngunit pinakatanyag ang pista sa Lungsod San Juan sa Metro Manila, tuwing 24 Hunyo, at sa lalawigan ng Batangas, lalo sa Lungsod Lipa tuwing araw ng Linggo bago ang Miyerkoles ng Abo. Sa San Juan, idinadaos ito bilang pagdiriwang sa pista ng kanilang patron, si San Juan Bautista. Bilang paggunita sa kilaláng gawain ng nasabing santo—ang pagbibinyag kay Hesus—armado ang taumbayan ng mga balde, tabo, pitsel, at palangganang punô ng tubig at mapaglarong binabasâ ang mga kaibigan, kapitbahay, at dumaraan sa mga lansangan. Walang pinipilì, lalaki man o babae, may edad man o batà. Paboritong target ang mga pasahero ng mga kotseng bukás ang bintana, at bawal ang madalîng mapikon at di-handang matigmak sa araw na ito. Idinadaos din ang katulad na basaan sa San Juan, Batangas. Nakagawian din ng mga Batanggenyo na magbasaan bago sumapit ang Semana Santa. (PKJ)

 

 

Cite this article as: Bulíng-bulíng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/buling-buling/