Buláwan

gold, money, metallurgy

Ang buláwan ay tawag sa “gintô” ng mga Sebwano, Hiligaynon, Bikolano, Tagalog, at iba pang pangkatin sa Filipinas. Ang “gintô” ay sinasabing isang salitâng Tsino. Tinatawag itong “balítok” sa mga wika ng Hilagang Luzon. Tumutukoy ito sa isang uri ng metal na kulay matingkad na dilaw, hindi kinakalawang, at nahuhubog. Dahil sa katangiang ito, ginagamit ang bulawan sa paggawa ng mga alahas, palamuti, at bilang daluyan o konduktor ng koryente. Bilang elementong kimikal sa talaang peryodiko, may sagisag itong Au (mula sa Latin na aurum) at may atomikong bilang na 79 at timbang na 196.967.

Hindi naihahalò o nagkakaroon ng reaksiyon ang ginto sa maraming kimikal. Ngunit maaari itong matunaw sa cloro, floro, aqua regia o nitrohydrochloric acid, at cyanide. Natutunaw din ito sa mercury na siyáng ginagamit sa mga minahan. Isang kemikal ang hindi nakatutunaw ng ginto bagaman nakatutunaw ito ng maraming ibang uri ng metal. Ito ang nitric acid. Ginagamit itong pansubok sa pagiging tunay ng ginto.

Ang pangunahing mga distrito ng minahan ng ginto sa Filipinas ay matatagpuan sa Paracale, Camarines Norte, Masbate, Bulacan, Surigao, at Masara, Mindanao. Ngunit ang may pinakamalaking reserba ng ginto ay matatagpuan sa Baguio.

Ang ginto ay ginamit bilang salapi ng ating mga ninuno sa porma ng mga gintong butil na tinawag na “pilonsitos.” Ito ay nanggaling sa salitang “pilon,” isang lokal na sisidlan na kawangis ng sensilyong ito. Ang Casa de Moneda de Manila ang unang nagbubo noong 1861ng gintong sensilyo na tinawag na Isabelinas at Alfonsinos. Ang mga sensilyong ito ay may nakalimbag na salitâng “Filipinas.”

Sa kasalukuyan, ang ginto ang ginagamit na batayan ng sirkulasyon ng salapi sa bawat bansa. Ito ay ginagamit din ng pamahalaan, sa pamamagitan ng bangko sentral, na pantuos sa pagkakaiba-iba ng paglalabas at ng pag-angkat ng mga kalakal ng bawat bansa. (AMP)

 

Cite this article as: Buláwan. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bulawan/