Bulangláng

Food, cuisine, Filipino Cuisine, recipe, cooking,

Sa mga Tagalog, ang bulangláng ang pinakapayak na lutuing gulay. Nangangahulugan lámang ito ng paglalagà ng sari-sari’t anumang gulay na maaaring iluto. Bukod sa malinamnam ang mainit na sabaw ay taglay nitó ang lahat ng sustansiya mula sa halamanan ng pamilyang magsasaká. Karaniwang nakatampok sa palayok ng bulanglang ang kangkóng, sítaw, bátaw, patanì, sigarílyas, kalabása, ókra, úpo, patóla.

Kahawig na kahawig ito ng “laswá” ng mga Ilonggo. Kauri din ng bulanglang ang “dinengdéng” kung hindi ito tinitimplahan ng bagoong at luya ng mga Ilokano. Paboritong agahan ang bulangláng, laswá, at dinengdéng ng mga magsasaká at nais humigop ng mainit na sabaw bago magtrabaho sa bukid.

Sa mga Kapampangan, ang bulanglang ay “sinigáng sa bayábas.” Nakasahog pa rin ang mga nabanggit na gulay, na maaaring dinadagdagan ng gábe o mustasa, tinatampukan ng hipon, isda, o karne, at pinaaasim sa hinog na bunga ng bayabas. Isang espesyal na putahe ito kung Linggo at nagtitipon ang pamilya sa Pampanga. (DRN)

Cite this article as: Bulangláng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bulanglang/