Bulalô

Food, cuisine, Filipino Cuisine, recipe, cooking

Ang bulalô ay orihinal na tumutukoy noon sa “utak” ng buto sa binti ng báka o bone marrow sa Ingles. Ngayon, ipinantutukoy na ito sa dalawa pa. Una, sa mismong binti o biyás kapag bumibili ng karne ng báka o shank sa Ingles; ikalawa, sa nilagang lulod ng báka at mga sahog na gulay.

Ganito ang payo sa nais magluto ng bulalo. Pagpunta sa palengke, sabihin sa matadero na putulin ang biyás sa paraang nakabukás ang malaking bahagi ng buto samantalang nakasara ang dulong hugpungan ng binti at hita. Para luminamnam ang sabaw, isáma sa isang pirasong báka ang isang buong sibuyas, isang ulo ng bawang, paminta, lawrel, carrot, repolyo, petsay, mga patatas, at siyempre, timplahan ng patis. Masarap ang umuusok na sabaw ng bulalo kapag malamig ang panahon.

Sa Batangas, nakalinya sa gilid ng lansangan ang mga restoran at turo-turo na nagbebenta ng nilagang bulalo. Senyas ang mga nakaparadang trak at kotse na may masarap na bulalô ang karinderya. Isang eksperto ang nagsabi na sa Lungsod Makati, may isang karinderya na Soseng’s ang pangalan at dinadayo ng mga negosyante’t estudyante sa tanghali dahil sa malinamnam na bulalo. Problema lang daw ang parking. (VSA)

 

Cite this article as: Bulalô. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bulalo/

Related Articles