Bukayò

Food, cuisine, Filipino Cuisine, recipe, cooking, dessert, snack, coconut

Ang bukayò ay isang kendi o minatamis na gawa sa kinudkod na niyog at asukal. Tinatawag din itong “brokíl.” Paborito ito ng mga batà dahil sa sobrang tamis nitó ngunit hindi ipinapayo na kainin nang maramihan at palagian dahil tiyak na makapagdudulot ng diyabetis.

Sa pagluluto ng pinakapayak na bukayo, kailangan ang sumusunod: muràng niyog na kinayod nang pahabâ, asukal (karaniwang pulá), tubig, at sirup. Una, paghaluin ang asukal, tubig, at sirup sa isang kawali hanggang sa lumapot ang asukal. Tandaan na kailangang katamtaman o mahinà lamang ang apoy sa pagluluto nang hindi masunog ang asukal. Kapag malapot na ang asukal, ihalò ang mga kinayod na niyog hanggang sa maging karamelo ang asukal. Mainam na ihain ito nang malamig.

Kung gugustuhin, maaaring gumamit ng mga nakahanda nang karamelo tulad ng pulút at tinaklob, makapunô sa halip na muràng niyog, maple syrup, banilya, putîng asukal, arina o cornstarch upang mas lumapot, linga, langka, dahon ng pandan, at iba pa. Madalas ding inihuhulmang pabilog o anu-mang korte ang mga bukayo habang mainit pa. (MJCT)

 

Cite this article as: Bukayò. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bukayo/