bukáwe

Philippine Flora, trees, bamboo, endemic species, building materials, handicrafts, crafts

Ang bukáwe ay isang uri ng kawayan (Dinochloa scandens) na payat ngunit siksik ang punò, tuwid, at tumataas nang 10 m, mahahabà ang biyas, at walang tinik. Mula ito sa pamilyang Poaceae o true grasses at genus na Dinochloa na kinabibilangan ng kumukulumpon at matataas na kawayan. Ang species na D. scandens ay isang kaway-ang tropikal na mayroong matitingkad na berdeng tangkay. Mabagal ang pagyabong nitó at nangangailangan ng malilim at mainit na lugar. Tinatawag din itong “bangto,” “kagingking,” at “killo.” Matatagpuan ito sa mga kagu-batan ng Malaysia, Indonesia, at Filipinas.

Tulad ng ibang kawayan, tradisyonal na ginagamit ang bukawe para sa mga kasangkapang pambahay. Ngunit higit na pinakikinabangan ito bilang pantalì. Ang nilapát na bukawe ay matibay na pantali ng binigkis na punla at kapag mahusay ang pagpapatuyo ay hindi kinakagat ng bukbok. Sinasabing ang kasaganaan ng naturang kawayan sa Bocaue, Bulacan ang pinagmulan ng pangalan ng naturang bayan. (KLL)

Cite this article as: bukáwe. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bukawe/