bukál

stream, water, geology, traditional medicine

Ang bukál ay ang pinagmumulan ng tubig at ang anyo ng tubig na sumusulpot mulâ sa mga siwang ng bato. Karaniwan itong matatagpuan sa mga dalisdis ng bun-dok o sa mga pook na may bulkan. Madalas ding na-glalaman ng mga mineral ang tubig nitó na sinasabing nakatutulong sa pagpapagalíng ng iba’t ibang karam-daman, tulad ng sakit sa balát at rayuma. Mainit ang tubig ng bukal na malapit sa bulkan at malamig naman sa ibang lugar.

Naiiba ang bukal (spring sa Ingles) sa “bátis (stream) — ang daloy na nanggagalíng sa bukál o munting ilog na nabubuo sa ganitong paraan, at sa “sapà” (creek), na mas maliit at mas mababaw na batis. Iba-iba ang laki ang bukal; may mga bukal na mahinà lámang ang tagas ng tubig, at may mga bukal na bumubulwak ang tubig (tulad ng geyser).

Bílang kapuluang tigib sa tubig, kabundukan, at bulkan, hitik ang Filipinas sa mga bukal, at popular ang mga ito sa mga bakasyonista at turista. Ilan sa mga tanyag na hot spring ay matatagpuan sa Tiwi, Albay; Bundok Makiling, Laguna; Asin, Benguet; at pulô ng Camiguin. Ilan naman sa mga tanyag na cold spring ay matatagpuan sa Nabas, Ak-lan; Pandan, Antique; Iligan, Lanao del Norte; at Mara-mag, Bukidnon. May panahong dinadayo sa pangunguna ni Pangulong Manuel Quezon ang Sibul Springs sa San Miguel, Bulacan dahil sa sulpurikong tubig ng bukál at pinaniniwalaang mainam para sa sakit bagà. (PKJ)

 

 

Cite this article as: bukál. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bukal/