buhò

Philippine Flora, trees, bamboo, endemic species

Ang buhò ay isang uri ng kawayan na manipis ang balát. Mula ito sa pamilyang Poaceae o tinatawag na true grasses; at sa genus na Schizostachyum na kinabibilangan ng matataas at tila palumpong na kawayan. Ang species na Schizostachyum lumampao o buhò ay nagkukumpol na kawayan. Tumataas ito ng 10–15 m, 8 sm ang diyametro, at may kapal na 4-10mm ang balát. Ang biyas nitó ay kulay berde at makinis na may 25-80 sm ang habà. May palapa ito na 24–26 sm ang habà at nababalot ng madidilaw at matutulis na búlo.

Katutubo ito sa Filipinas at laga-nap sa mga probinsiya ng Abra, Pangasinan, La Union, Ilocos Norte, Ilocos Sur, Leyte, Panay, at Basilan. Sapagkat manipis, tinitilad ito, pinatutuyo, at nilálang sawalì. Yari sa sawaling buhò ang mga unang sisidlan ng aning butil, gaya ng mátong. Ginagawa din itong salá-salá at ginagamit na dingding, lalo sa kusina ng bahay, upang magdulot ng liwanag at sariwang hangin. Ang buo pang punò ng buhò ay ginagawang talubsok na pambakod o bálag ng gulay. (KLL)

 

Cite this article as: buhò. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/buho/