búhay-alamáng

idioms, Filipino, language, Filipino language, proverbs

Isang kasabihan at ekspresyon ang búhay-alamáng upang ipahayag ang kawalan ng kabuluhan ng búhay ng isang mahirap. Inihahambing ang naturang sitwasyon ng tao sa maliit na alamáng (Acetes spp.), isang lamandagat na hugis hipon, na kapag nahúli at iniahon mula sa tubig ay kumikislot nang malakas at namamatay. Mulâ ang kasabihan sa salawikaing:

Búhay-alamáng: Paglukso, patay.

Ang ekspresyon ay tila isang himutok ng nagsasalitâ hinggil sa kawalan ng pag-asa dahil waring wala siyáng nakikitang paraan upang umasenso o lumigaya anuman ang gawing pagsisikap. Sa kabilâng dako, hindi ito purong desperasyon. May kalakip din itong pagtitiwala sa “bahalà na,” o ang pikitmatang pakikipagsapalaran upang masabi sa sarili na may ginawang mahalaga sa búhay. Upang tulad ng alamáng ay “lumukso” bago namatay. (EGN)

 

Cite this article as: búhay-alamáng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/buhay-alamang/