bugaóng

Philippine Fauna, fish, aquatic animals

Ang bugaóng ay kabilang sa pamilya Teraponidae. Ito ay kilalá rin sa tawag na “gagaóng” o “babansí.” Matatagpuan ito sa baybayin, tubig tabang at alat sa kanlurang Indo-Pacifico. Karamihan sa mga espesye ay matatagpuan lang sa tubig tabang.

Ang katawan ng bugaóng ay pabilog at bahagyang dapâ. Ang likod na palikpik ay may 11–13 tinik. May tatlong ti-nik ang palikpik sa puwit. Ang palikpik sa buntot ay pabilog at may 15 sanga. Ang linya sa gilid ng ka-tawan ay tuloy-tuloy hanggang palikpik sa buntot. Ang pinakamahabàng naitalâ ay 80 sentimetro. Kalimitang kinakain nitó ay maliliit na isda at insekto.

May anim na uri ng bugaong ang naitalâ sa Filipinas. Ito ay ang Terapon jarbua, Terapon theraps, Leiopotherapon plumbeus, Pelates quadrilineatus, Terapon puta, at Helotes sexlineatus. Ang Terapon jarbua ay matatagpuan sa maba-baw at mabuhanging parte ng bukana ng ilog. Ang karaniwang laki ay 25 sentimetro at ang pinakamahabàng naitalâ ay 36 sentimetro. Ang itaas ng katawan ay kulay kayumangi at dilaw samantalang ang ibabâ ay kulay krema. Ang batok ay maitim. Ang ulo, katawan, at palikpik ay may iba’t ibang makikintab na kulay. May 3–4 na kur-badong linya na kulay matingkad na kayumanggi mula batok hanggang sa dulo ng katawan. Ang pinakaibabâ ng kurbadong linya ay umaabot hanggang sa kalagitnaan ng palikpik sa buntot. Lumalangoy ito nang magkakasáma. Nangingitlog sa dagat at ang maliliit na bugaong ay naglalakbay patungong tubig tabang. Ang mga itlog ay binabantayan ng lalaki. (MA)

 

Cite this article as: bugaóng. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bugaong/

Related Articles