Jose Torres Bugallon

(28 Agosto 1873–5 Pebrero 1899)

Si Jose Torres Bugallon (Ho·sé Tó·res Bu·gal·yón) ay magiting na pinunò sa hukbo ng Himagsikang Filipino at kilalá bilang “Bayani ng Labanan sa La Loma” laban sa mga Americano noong 1899.

Isinilang siyá noong 28 Agosto 1873 sa Salasa, Pangas- inan kay Jose Asas Bugallon at sa inang mulâ sa angkan ng mga Gonzales na kilalá noon sa lalawigan. Nag-aral siyá ng elementarya sa Salasa at unang bahagi ng hay- iskul sa San Isidro, Nueva Ecija. Nagtapos siyá ng hay-iskul at nagkamit ng Batsilyer sa Arte noong 1888 sa Colegio de San Juan de Letran. Nag- aral siyá sa Seminaryo ng San Carlos upang maging isang pari, ngunit naudlot ang han- garing ito nang nakapasá siyá sa isang pagsusulit at naging pensiyonado ng pamahalaang Español sa Academia Mili- tar de Toledo sa España noong 1892. Ginugol niya ang susunod na tatlong taón sa pag- aaral ng estratehiya at organisasyong militar.

Pagbalik sa Filipinas, binigyan si Bugallon ng ranggong tenyente sa sandatahang Español. Noong 1897, pagkatapos magpakita ng gilas sa isang labanan sa Talisay, Batangas, itinaas ang kaniyang ranggo bílang kapitan at ginawaran ng mga medalya. Naging ordinaryong mamamayan si Bugallon pagkatapos ng Himagsikan, ngunit pagsiklab ng Digmaang Filipino-Americano, sumanib siyá sa hukbo ni Heneral Antonio Luna, na noon ay nan- gangailangan ng mga tag- apagsanay sa kaniyang mga sundalo. Noong 5 Pebrero 1899, ipinagtanggol ni Bugallon at iba pang mga sundalong Filipino ang La Loma sa Maynila laban sa mga lumulusob na Americano sa pamumunò ni Heneral Arthur MacArthur Jr. Tinamaan siyá ng bála sa hita. Nang ipinaalam ang sinapit ni Bugallon kay Heneral Luna, sinikap nitó na mailigtas siyá, diumano dahil “ang kaniyang buhay ay katumbas ng 500 sundalong Filipino.” Inilíkas si Bugallon patungong Kalookan upang mabigyan ng paunang lunas at isinakay sa tren patungong ospital sa Malolos, Bulacan. Bílang parangal sa kaniyang ipinaki- tang tapang at kabayanihan, itinaas ni Heneral Luna ang kaniyang ranggo sa Tenyente Koronel. Sa kalagitnaan ng paglalakbay ay binawian siyá ng búhay habang nasa bisig ng Heneral. Inilagak ang kaniyang mga labí sa Simbahan ng Sampalok sa Maynila. Noong 1921, ipi- nangalan sa kaniya ang kinalakhang bayan ng Salasa, Pangasinan. (PKJ)

Cite this article as: Bugallon, Jose Torres. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bugallon-jose-torres/