Lino O. Brocka

(3 Abril 1939–22 Mayo 1991)

National Artist for Film

Postumong ginawaran ng pagkilalang Pambansang Alagad ng Sining sa Pelikula si Lino O. Brocka (Lí∙no O Bró∙ka) noong 1997. Isa siyáng direktor, manunulat, at prodyuser ng pelikula. Ang kaniyang mga obra ay kinilala sa Filipinas at sa buong daigdig. Maituturing na mapangahas ang kaniyang paglikha dahil sa paglihis niya sa nakagawiang motibo at pormula ng paggawa ng pelikula.

Ipinanganak sa Pilar, Sorsogon kina Regino Brocka at Pilar Ortiz si Catalino Brocka. Nagtapos siyá nang may maraming karangalan sa Nueva Ecija North High School at kasunod nitó’y nakatanggap ng iskolarsip sa Unibersidad ng Pilipinas. Kumuha siyá ng Bachelor of Arts in English Literature sa UP at patuloy na nag-aral sa Estados Unidos. Namatay siyá sa isang aksidente noong 22 Mayo 1991 sa Lungsod Quezon.

Ang una niyang pelikula ay ang Wanted: Perfect Mother ng Lea Productions. Tumabo ito sa takilya kayâ sinundan pa ng Santiago (1970); Tubog sa Ginto (1970); Stardoom (1971); at iba pa. Nagtayô rin siyá ng sariling produksiyon, ang Cine Manila na lumikha ng mga pelikulang pin- uri ng mga kritiko gaya ng Tinimbang Ka, Ngunit Kulang (1974) at Tatlo, Dalawa, Isa (1974).

Ang  pagsangkot  ni Brocka  sa pagsusulong  ng  isang lipunang malayà ay hindi lamang sumentro sa paggawa niya ng pelikula. Itinatag niya at pinamunuan ang Free the Artist Movement, na kalaunan ay mas nakilala bilang Concerned Artist of the Philippines (CAP). Nanguna ang CAP sa paglaban sa pagpataw ng gobyerno ng sensura sa pelikula at sa paggigiit ng malayang pagpapahayag. Produkto ng kaniyang makalipunang pananaw ang Maynila: Sa mga Kuko ng Liwanag (1975), Insiang (1977), Ang Bayan Ko: Kapit sa Patalim (1984), at Orapronobis (1989).

Kinilala si Brocka bílang pinakamahusay na direktor ng maraming institusyon sa larangan ng pelikula gaya ng FAMAS, Manunuri ng Pelikulang Pilipino, Film Academy of the Philippines (FAP), Philippine Movie Press Club, Catholic Mass Media, at ng taunang Metro Manila Film Festival. Ipinalabas din ang mga obra niya sa internasyonal na eksibisiyon: Insiang (1977), Jaguar (1980), Bona (1981), Bayan Ko: Kapit sa Patalim na pawang ipinalabas sa Cannes Film Festival sa France. Kinilala rin si Brocka bilang isa sa sampung pinakamahuhusay na direktor ng dekada 1980 sa ginanap na Toronto Film Festival noong 1986. Tinanggap din niya ang Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature, and Creative Communication Arts (1985), at ang FAP Lifetime Achievement Award (1992), isang taón pagkatapos niyang pumanaw. (RVR)

Cite this article as: Brocka, Lino O.. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/brocka-lino-o/