Boxer Codex
Ang Boxer Codex (bák∙ser kó∙dex) ay isang 307-pahinang manuskritong isinulat noong siglo 16 na naglalaman ng mga paglalarawan sa mga tradisyon at paniniwala ng sinaunang Filipino at sinaunang tao sa ibang karatig bansa na gaya ng New Guinea, Vietnam, Taiwan, Cambodia, ftailand, at iba pa. Bukod sa mga paglalarawang pisikal, mayroon itong 75 na ilustrasyong may kulay ng mga naninirahan sa iba’t ibang rehiyon suot ang kanilang sariling pananamit. Sa mga ito, 15 ang larawan ng mga Tagalog, Bisaya, Kagayanon, at Negrito.
Pinaniniwalaang ang orihinal na may-ari ng manuskrito ay si Gobernador Heneral Luis Perez Dasmariñas na pumalit sa amang si Gobernador Heneral Gomez Perez Dasmariñas na napatay ng mga Sangley noong 1593. Pi- naniniwalaang ang Boxer Codex ay nalikha bilang tugon sa kautusan noon ng pamahalaang kolonyal ng España sa mga gobernador na magtalâ ng mga ulat tungkol sa kanilang nasasakupan. Ang pamamaraang ginamit sa pagpinta ng mga larawan, gaya ng ginamit na papel at tinta, ay nagpapahiwatig na likha ito ng isang Chino.
Ang unang nagmay-ari ng codex ay si Lord Ilchester. Isa ito sa mga natira sa kaniyang koleksiyon sa Holland House sa London matapos itong masira noong 1942 dahil sa giyera. Nang magkaroon ng auction noong 1947, napunta ito sa pagmamay-ari ng historyador na si Propesor Charles Ralph Boxer. Hawak ito ngayon ng Lilly Library sa Indiana University. (KLL)