Bornáy
handicrafts, pottery, household
Binabaybay ding “burnáy,” ang bornáy ay tawag ng mga Ilokano sa kasangkapang tulad ng banga, palayok, at tapayan na likha mula sa luad. Karaniwang may pagkaluma at madilim ang kulay nitó at may iba’t ibang hugis, disenyo, at lakí.
Bantog ang Vigan sa paggawa ng mga bornay. “Pagbornayan” ang tawag sa pamayanan na maramihang gumagawa ng mga bornay. Tinatawag namang “kamarin” (na katulad na kamalig) ang pagawaan ng mga bornay. Mula sa luad na sagana sa gilid ng ilog sa Ilokos, isa-isang hinuhubog ng mambobornay ang kasangkapan gamit ang gulong para sa pagpapalayok at iniluluto sa isang malaking hurno. Kung mainam ang pagkakaluto ng bornay, dapat tunog bakal ito kapag tinapik.
Mabigat ang mga bornay dahil siksik na siksik ito at wala talagang napapasukan ang hangin. Bukod sa luad, hinahaluan din ng graba, pínong buhangin, at abó ang ginagamit sa paggawa ng bornay kayâ napakatibay nitó. Madilim o medyo maitim naman ang kulay ng mga bornay dahil pinapausukan na ang luad bago pa man ito hulmahin.
Hindi tulad ng mga karaniwang palayok, tapayan o banga, hindi ginagamit sa pagluluto ang bornay at hindi mainam na lalagyan ng tubig. Dahil sa kapal nitó, mahirap nitóng panatilihin ang init sa loob, at dahil naman siksik ang pagkakagawa nitó, hindi nitó napapalamig ang tubig. Ginagamit sa halip ang mga bornay sa paggawa ng bagoong, asin, asukal, sukàng Ilokano, at basi. Sinasabing mas masarap ang bagoong at basi na inimbak sa bornay. (MJCT)