Boras

textiles, handicrafts, weaves, decorations

Bantog ang boras na ginagawa sa ilang barangay sa Simunul, Tawi-tawi. Karaniwang ilarawan itong banig na pampalamuti sa dingding at gawâ sa nilálang yantok. May lapad itong apat hanggang limang talampakan at habàng walo hanggang dalawampung talampakan. Tradisyonal na ginagamit itong tabing sa bintana o sapin sa sahig kapag may importanteng okasyon. Ang maliliit ang súkat ay ginagamit ding sapin sa pananalangin sa masjid.

Ang tradisyonal na boras ay nilalagyan ng mga disenyo sa pamamagitan ng pagsunog sa yantok gamit ang nagbabagang uling. Pagkaraan ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, may nagsimula sa paggamit ng pinturang enamel para lagyan ng heometrikong disenyo ang mga boras. Naging komplikado ang ipinipintang disenyo hábang nagtatagal.

Noong 1957, ipinasok diumano ni Hadji Idarus ng Tungusung, Simunul ang pagpipinta sa boras ng mga tanawin sa Mecca at Medina na kinopya sa mga iniuwi niyang print mula sa hadj. Naging tradisyon din sa Simunul ang magkahatingb tungkulin ng mga lalaki at mga babae sa paggawa ng boras. Mga lalaki ang lumalála ng banig na yantok. Mga babae naman ang nagpipinta. (VSA)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Boras. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/boras/