Warning: Use of undefined constant setting - assumed 'setting' (this will throw an Error in a future version of PHP) in /home/hqe0tu85kswo/public_html/wp-content/plugins/cite/cite.php on line 105

Boracay

popular vacation spots, beach, tourism, tourist attractions, Boracay, white sand

Isa sa mga pangunahing pulông bakasyunan sa Filipinas ang Boracay (Bo·rá·kay) lalo na kung panahon ng tag-init. Sakop ito ng Aklan at nása dúlong hilagang-kanluran ng Panay. Ang baybayin nitó, na may mga pinong puting buhangin, ay umaabot sa mahigit pitóng kilometro. May 115 kilometro ang layò nitó sa Kalibo. Binubuo ito ng tatlong barangay ng Manoc-Manoc, Balabag, at Yapak, na bahagi ng bayan ng Malay. Mararating ang pulô mula sa Caticlan, na isa ring barangay ng Malay, sa pamamagitan ng pagsakay sa mga bangkang de-motor. Isa ito sa mga sikat at paboritong pasyalan ng mga turista dahil sa malinis nitóng dalampasigan, mapuputing buhangin, at maraming makikitang isda at lamandagat. Kinilala na ang pulông Boracay bílang isa sa mga pinakamagandang bay-bayin sa buong mundo at maraming mga dayuhan ang bumibisita dito. Dahil ditto, malaki ang naging ambag ng pulô ng Boracay sa pag-angat ng industriya ng turismo sa Aklan at sa bansa.

May dalawang pangunahing baybayin sa pulô na popular sa mga bakasyonista ang White Beach at ang Bulabog Beach. Ang White Beach ang pangunahing bay-baying panturismo. Halos apat na kilometro ang habà nitó at maraming establisimyento tulad ng mga hotel, restoran, at iba pang negosyong panturismo. Nása kabilâng baybayin naman nitó ang Bulabog Beach, pangalawang sikat na puntahan ng mga bakasyonista lalo na ng mga windsurfer . Bukod dito, marami pang ibang maliliit na baybayin ang isla.

Bágo naging sikat na bakasyunan ang Boracay, ang komunidad nitó ay payak lamang. Pangingisda at pag-tatanim ng niyog ang pangunahing hanapbuhay ng mga tao dito. Ang orihinal na naninirahan ditto ay ang mga Ati at sa kasalukuyan ay nahaluan na ng mga tao mula sa iba’t ibang panig ng bansa dulot ng pandara-yuhan. Sa pagitan ng 1960 at 1970, naging puntahan ito ng mga taga-Panay. Ngunit noong 1978, nang mabanggit at mailarawan ng isang manunulat na Aleman ang Boracay sa kaniyang aklat hinggil sa Filipinas, nag-ing interesado sa isla ang buong mundo at nagsimula nang puntahan ng mga turista. (AMP)

 

Cite this article as: Boracay. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/boracay/