Bópis

Food, cuisine, Filipino Cuisine, recipe, cooking,

Ang bópis ay putaheng may bagà, pusò, bato, atay, at iba pang lamanloob ng baboy o báka na hiniwang maliit at iginigisa sa sukà, paminta, at bawang. (Ang atay at utak ay ginagamit para sa isang katulad napagkain,  ang  “sísig” ng mga Pampanggo.) Maanghang-anghang ang bopis at maaaring mamasâmas o tuyo. Dahil sa mga ginamit na sahog, may kakaiba itong lasa at lambot, ngunit kailangan ding maibsan ang amoy ng bagà. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagpapakulo nitó sa panlutong alak, dahon ng pandan, at iba pang pampabango.

Tulad ng sisig, paborito itong pagsaluhan bílang pulútan ng mga Filipino. Kinakain din ang bopis bílang ulam pananghalian o hapunan, at masarap sabayan ng mainit na kanin o pansit. Tinatawag din itong “kandíngga” sa Bikol at “pulutók” sa mga lugar na Kapampangan. (PKJ)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Cite this article as: Bópis. (2015). In V. Almario (Ed.), Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. Retrieved from https://philippineculturaleducation.com.ph/bopis/

 

Related Articles